Nangunguna pa rin si Sen. Grace Poe ayon sa survey ng Pulse Asia subalit lumapit sa kanya ang administration candidate na si Mar Roxas.
Ayon sa survey na isinagawa noong Setyembre 8-14, nakakuha si Poe ng 26 porsyento sa tanong sa mga respondent kung sino ang kanilang iboboto bilang pangulo.
Mas mababa ito sa 30 porsyentong naitala ni Poe sa survey noong Hunyo.
Pumangalawa naman si Roxas na nakakuha ng 20 porsyento mula sa 10.
Bumagsak naman sa ikatlong puwesto si Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 19 porsyento mula sa 22.
Sumunod naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte (16), Sen. Bongbong Marcos (6), Manila Mayor Joseph Estrada (5), Sen. Miriam Santiago (3), Sen. Panfilo Lacson (2) at ang iba ay isang porsyento o mas mababa pa.
Sa pagkabise presidente ay nanguna rin si Poe na nakakuha ng 24 porsyento mula sa 41. Ginawa ang survey bago nagdeklara si Poe na tatakbo sa pagkapangulo.
Pumangalawa naman ang kanyang running mate na si Sen. Francis Escudero na naka-23 porsyento mula sa 15 porsyento.
Sumunod naman sina Marcos na nakakuha ng 13 porsyento (mula sa 9 porsyento), Sen. Alan Peter Cayetano 9 (12), Pangulong Aquino 6, Batangas Gov. Vilma Santos 5, Lacson 5, Sen. Antonio Trillanes 4, Sen. Jinggoy Estrada 4, Camarines Sur Rep. Leni Robredo 3, dating Sen. Kiko Pangilinan 2 at BIR Commissioner Kim Henares 0.1.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Poe, Roxas, Binay sa Pulse Asia survey
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...