PASABOG ang 6th anniversary kick-off celebration ng It’s Showtime kahapon sa Araneta Coliseum na talagang ikinagulat at ikinatuwa ng madlang pipol. Naging isa rin ito sa top trending topic sa Twitter at iba pang social media.
Bukod kasi sa buwis buhay na opening production number ng mga hosts ng programa, pinakilig din ng apat na pambatong loveteam ng ABS-CBN ang lahat ng manonood sa buong bansa.
Grabe! As in grabe ang mga supporters ng Showtime at ng fans ng KathNiel, JaDine, LizQuen at KimXi, talagang bara-barangay ang sumugod sa Araneta Coliseum para saksihan ang bonggang “Showtime Kapamilya Day: The Anniversary Kick-Off”.
Nabingi talaga kami sa hiyawan, tilian at padyakan ng madlang pipol sa halos apat na oras na haba ng programa. Sa pagbubukas pa lang ng Showtime ay sigawan na ang audience, lalo na nang magpasikat na Anne Curtis, Coleen Garcia, Vhong Navarro, Billy Crawford, Kuya Kim, Karylle, Jhong Hilario, Jugs and Teddy, Ryan Bang at Eruption na talagang kinarir ang kani-kanilang production number.
Pero siyempre, ang talagang pinalakpakan ng madlang pipol ay ang buwis-buhay at makapigil-hiningang production number ni Vice Ganda. Nagtumbling-tumbling sa ere ang TV host-comedian at nagpabitin-bitin pa sa bakal.
Hindi niya binigo ang viewers sa ginawa niyang pagpapasikat. Isa rin sa highlights ng 6th anniversary kick-off ng Showtime ay ang biglang paglabas sa stage ni Coco Martin para haranahin ang kontrobersyal na si Pastillas Girl (Angelica Yap).
Paalala ng Teleserye King kay Pastillas Girl, may gwapo at matatangkad mang mga lalaki, o may abs pa ang mga ito, the best pa rin ang lalaking probinsiyano.
Pero siyempre, ang tunay na nagmarka sa selebreasyon kanina ay ang pagsasama-sama ng pinakasikat na Kapamilya loveteam sa iisang stage: sina Nadine Lustre, James Reid, Liza Soberano, Enrique Gil at Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Dito na talaga dumagundong nang husto ang Big Dome na akala mo’y magigiba na dahil sa mga nagwawala ng mga fans. Sabi nga ni Vice, “ Nakakakilabot nga eh, pero iba, one great TV moment – LizQuen, JaDine, KathNiel – tapos lahat game na game lang, all for the happiness of the madlang people .”
Dagdag pa nito ang good news para sa mga fans, “Punong-puno ng pagmamahal ang Araneta. Kick off pa lang yan. Abangan ninyo kasi may mga pupuntahan ka-ming mga lugar na bibigyan namin ng good vibes.”
Sey naman ni Anne, “Sobra-sobrang saya po talaga and we are so happy and thankful to everyone who came here to celebrate our anniversary kick off.”
Habang sinusulat namin ito, nananatiling nasa listahan pa rin ng top trending topic sa Twitter ang Showtime at nakapagtala rin ito ng mahigit 6.5 million tweets gamit ang hashtag na #ShowtimeKapamilyaDay.