Joey de Leon nadulas: Concert nina AlDub inihahanda na

NADULAS si Joey de Leon, isa sa mga mainstay ng “Eat Bulaga” na pinaghahandaan na diumano ang gagawing concert ng split-screen lovers na si Alden Richards at Maine Mendoza o mas higit na kilala sa tawag na “AlDub”.

Sa isang panayam sa dzBB, di sinasadyang sabihin ni Joey na inaayos na raw ang gagawing concert ng dalawa lalo pa’t nagkita na nang malapitan ang dalawa nitong Sabado.

“Marami pang mangyayari. Hindi pa nagku-concert ang dalawa … Ay bakit ko ba nasabi? Naku nadulas ako sorry,” chika ni Joey.

Bukod dito marami pa ring dapat abangan sa “kalyeserye”, at ang dapat umanong abangan sa dalawa ay ang gagawing pagdu-duet nila.

“Hindi pa nga sila nagdu-duet. Ay nadulas na naman ako, ano ba ‘yan!” dagdag pa ni Joey.

Asahan na rin daw ang makatotohanang “holding hands”.

Sa episode nitong Sabado, binilinan ni Lola Nidora (Wally Bayola) bagamat pinayagan na umano niyang umakyat ng ligaw si Alden kay Yaya Dub sa mansion, hindi naman sila maaring maghawak.

Tanghali ng Linggo ay umakyat na sa mahigit na 25 milyon ang nakuhang tweets para sa hashtag na #AlDubEBforLOVE.

Read more...