Gutom ang Texters

HINDI naman talaga ganoong kadehado ang Talk ‘N Text kumpara sa San Miguel Beer kung palakasan ng line-up ang pag-uusapan.

Katunayan, noong nakaraang 40th season ng Philippine Basketball Association, nakaisang kampeonato naman ang Tropang Texters nang sila ang maghari sa Commissioner’s Cup.

Nakadalawa ang Beermen na nagkampeon sa Philippine Cup at Governors Cup. Pero siyempre, marami ang nagsasabing kung hindi lumaboy at lumanaw ang konsentrasyon ng Beermen, puwede sana nilang nakumpleto ang Grand Slam.

Pero matapos na magkampeon sa Philippine Cup, parang nanlamlam ang intensity ng Beermen at sumama ang performance nila sa si-mula pa lang ng Commissioner’s Cup. Tuloy ay hindi sila nakalampas sa elimination round at maagang natsugi.

Naging free-for-all tuloy ang labanan sa Commissioner’s Cup at nagkampeon nga ang Tropang Texters.
Well, sa pagpasok ng 41st season ng PBA na magbubukas sa susunod na buwan, hindi lang pagpapanatili ng kampeonato sa Commissioner’s Cup ang pakay ng Talk ‘N Text.

Nais nitong maigupo ang Beermen sa kabuuan ng season at kung puwede ay makapagbuo ng Grand Slam na nakaalpas sa kamay ng mga Tropang Texters apat na taon na ang nakalilipas.

Siyempre, upang matapatan ang lakas ng Beermen, kailangang kumuha ng big man ang Talk ‘N Text. Nagawa ito ni coach Joseph Uichico sa pamamagitan ng pagpili sa 6-8 Fil-Tongan na si Moala Tautuaa bilang No. 1 pick overall sa nakaraang PBA Rookie Draft.

At hindi lang iyon. Nakuha din ng Talk ‘N Text si Troy Rosario na pinili na Mahindra (dating Kia) bilang No. 2 sa Draft at napunta sa Tropang Texters sa pamamagitan ng trade. Si Rosario ay isang 6-7 forward buhat sa National University Bulldogs na nagkampeon sa UAAP noong nakaraang taon.

Sabihin na nating baguhan pa sina Tautuaa at Rosario pero alam naman ng lahat kung ano ang puwede nilang maibigay sa Talk ‘N Text. E, kabilang nga ang dalawang ito sa national pool, hindi ba?
May panapat na ang Talk ‘N Text kay Fajardo. At dalawa pa!

Kung mabilis na mahihinog sina Tautuaa at Rosario, aba’y hindi nakasisigurong mamayagpag ang Beermen na minabuting manatiling intact sa season na darating.

Bagamat kumuha ng dalawang rookies sa Draft sa katauhan nina Michael Mabulac at Andretti Stevens si coach Leo Austria, hindi naman siguradong mai-dadagdag ang mga ito sa kanilang line-up.

Kasi nga’y tila wala kang maitatapon sa kasalukuyang players ng San Miguel Beer. Ang tanong lang ay kung natuto na ng leksyon ang Beermen at hindi na muling magpapabaya.

Kasi, baka maulit ang nangyari noong isang taon. Baka hindi na gutom sa kampeonato ang Beermen. Sasalengkwang sila at magugupo ng mga koponang gutom tulad ng Talk ‘N Text.

Read more...