Gilas nilampaso ang Kuwait

gilas norwood

CHANGSHA City, China — Halos walang hirap na nilampaso ng Gilas Pili-pinas ang Kuwait, 110-64, sa pagtatapos ng Group B matches ng Fiba Asia Championship na ginaganap dito.

One-sided ang kabuuan ng laro at ang tanging naka-excite lamang sa mga manood ay ang muntik na magkaroon ng bench-emptying incident sa huling minuto ng laban.

Dahil maaga pa ay tambakan na ang laban, nagawa ni Gilas coach Tab Baldwin na ipahinga ang kanyang starting unit at bigyan ng mas mahabang exposure ang mga role players.

“I don’t have enough to say about the game,” sabi ni Baldwin. “It’s kind of an uneventful game in a basketball standpoint. “

May 48 segundo na lang ang natitira sa laro nang magkabalyahan sina Ranidel de Ocampo at Abdulaziz Alhamadi ng Kuwait na nagkaroon ng sugat sa labi.

Umalma si Alhamadi sa referee dahil hindi man lang ito tumawag ng foul. “Your player started it, when he hit our player and the score (lead of the Philippines) was already very big,” sabi ni Kuwaiti coach Khaled Yousef sa press ocnference habang tinuturo si De Ocampo.

Gayunman, ito ang ikalawang laro kung saan naglaro ng mahusay ang mga Pinoy matapos na matisod ng Palestine sa opening game. Noong Huwebes ay tinalo ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong, 101-50.

Si Terrence Romeo ay gumawa ng 19 puntos kahapon at nagdagdag ng 16 si Jason Castro. Lahat ng manlalarong ipinasok ni Baldwin sa laro ay naka-iskor.

Pahinga ang koponan ngayon habang hinihintay kung anong bansa ang makakasagupa sa susunod na round. Uusad din sa second round ang Palestine at Hong Kong kasama ng iba pang qualifiers sa ibang grupo.

Read more...