KINAUSAP na ni Dennis Trillo ang nababalitang karelasyon na si Jennylyn Mercado na huwag nang sumama sa premiere night ng latest film niya, ang “Felix Manalo” na magaganap sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Oct. 4.
“Alam ko kasi na magiging sobrang dami ng tao noon kaya baka hindi ko siya maasikaso kaya sabi ko kapag may block screening na lang para mas komportable siyang makakapanood. Hindi siya mai-stress at maha-harass,” paliwanag ni Dennis.
Pumayag naman si Jennylyn na hindi na sumama sa premiere night bagaman gustung-gusto raw sumama ng girlfriend ni Dennis. Tiyak na lalakas ang bulung-bulungan na may bahid ng katotohanan na may tampuhan ngayon sina Dennis at Jennylyn.
Usap-usapan kasi sa kanilang mother studio ang pagkani-kanya ng dressing room/tent ni Dennis at Jen sa set ng kanilang teleserye sa GMA.“Wala, ganoon talaga ang mga set-up namin sa mga taping. Magkakahiwalay talaga.
Hindi kami magkasama sa isang tent or sa isang stand by area,” esplika niya. Hindi rin daw totoo ang tsika na magkasama sila sa isang tent sa taping ng serye nila, “Hindi, e. Magkakahiwalay talaga, babae at lalaki.”
Okey na okey daw sila ni Jennylyn at hindi rin daw sila nagde-dedmahan, “Hindi, hindi totoo ‘yun,” tanggi ulit ni Dennis. Sa ngayon, kita ang excitement sa mukha ni Dennis para sa nalalapit na pagpapalabas ng “Felix Manalo” on Oct. 7.
Hindi naman daw siya nabahala nu’ng magkaroon ng malaking isyu sa loob ng Iglesia Ni Cristo na itinayo ng karakter na pino-portray niya sa movie as Ka Felix Manalo, ang kauna-unahang Executive Minister ng Iglesia ni Cristo.
“Ano lang po, hindi naman ako nabahala dahil alam ko kung anuman ang problema na yun maaayos at maaayos din po,” sabi ni Dennis.
Marami siyang na-discover sa INC sa paggawa niya ng “Felix Manalo”, “Na syempre, na ang mga kapatid sa Iglesia ay sumusunod pawang sa lahat nang nakasulat sa banal na kasulatan and, dati hindi ko alam ‘yun na isa lang naman pala ang Bibliya na binabasa ng mga Katoliko at mga kapatid sa Iglesia pero syempre, bawat relihiyon may kanya-kanyang interpretasyon ‘yan, e,” ani Dennis.
Kasama rin sa “Felix Manalo” si Bella Padilla na gumaganap bilang asawa ni Dennis as Ka Honorata, Gabby Concepcion, Snooky Serna, Gladys Reyes at marami pang iba, sa direksiyon ni Joel Lamangan.