Alden napaiyak nang tanggapin ang gold record award

alden richards

NAPAIYAK si Alden Richards sa harap ng milyun-milyong dabarkads kanina  nang tanggapin ang Gold Record award para sa kanyang self-titled debut album.

Ibinigay kay Alden ng ilang executives ng Universal Records ang kauna-unahan niyang Gold Record award sa Eat Bulaga.
Hindi napigilan ng binata ang kanyang emosyon kaya napaluha siya habang nagpapasalamat sa lahat ng fans nila ni Maine Mendoza (Yaya Dub), aniya hindi niya talaga inasahang parangal na ito sa kanya.
Sabi ng tinaguriang Pambansang Bae, “Di ko po in-expect. Thank you po, thank you po sa lahat. Thank you po, at least, kahit papaano, ipinakita niyo pa rin ang suporta.
“Nagpapasalamat po ako sa Universal Records for trusting me with my first album. Kahit hindi naman po ako singer, binigyan ako ng chance,” aniya pa.
Bukod dito, nagpasalamat din si Alden sa lahat ng bumili ng kanyang album sa kanyang Twitter account, aniya, “Maraming salamat po Lord at sa inyo pong lahat maraming maraming salamat po!”
Noon pang 2013 ni-release ang debut album ni Alden na naglalaman ng pitong kanta: “Haplos,” “Naaalala Ka,” “Can’t Find The Reason,” “Di Na Mababawi,” “Sa Aking Tabi,” “Akin Ka Na Lang,” at “Everytime I See You.”
Naniniwala ang mga taga-Universal Records na biglang-tumaas ang sales ng album ni Alden dahil sa kasikatan ng tandem nila ni Maine sa kalyeserye ng Eat Bulaga.
Kasabay din nito ang pagsikat ng bagong single ni Alden na “Wish I May” na laging ginagamit sa kalyeserye nila ni Yaya Dub. Ang “Wish I May” ay nasa second album ni Alden na iri-release na very soon ng GMA Records.

Read more...