2 Canadians, 1 Norwegian, 1 Pinay dinukot sa Samal Island

DINUKOT ng mga diumano’y rebeldeng Muslim ang dalawang Canadian, isang Norwegian, at Pilipina sa isang resort sa Samal Island, Davao del Norte, Lunes ng gabi, ayon sa militar at pulisya.
Natangay ang mga Canadian na sina John Ridsel at Robert Hall, Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, at isang Pilipina na di pa matiyak ang pangalan, sabi ni Captain Alberto Caber, tagapagsalita ng Armed Forces Eastern Mindanao Command.
Dumating ang 11 armado sa Ocean View resort sa Brgy. Camudmud sakay ng bangkang de motor, at sinunggaban ang mga biktima dakong alas-11:30, sabi ni Caber nang kapanayamin sa telepono.
“Two Japanese nationals tried to stop the kidnappers pero di ito naging matagumpay,” aniya.
Tila tinarget ng mga kidnaper si Sekkingstad, na isang manager sa resort, at ang mga Canadian, ani Caber.
Napag-alaman sa mining industry sources na ang biktimang si Ridsel ay si John Ridsdel, isang retiradong chief operating officer sa lokal na sangay ng Canadian mining company na TVI.
Nadinig ang mga kidnaper na nagsalita ng matatas na Ingles at Tagalog sa resort, na noo’y may bisitang 30 banyaga, ayon naman sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo.
Sinunggaban ng apat na armadong lalaki ang mga biktima mula sa mga yate na nakadaong sa resort, sabi naman ni Superintendent Antonio Rivera, tagapagsalita ng Southern Mindanao regional police.
“Pinasok nila ‘yung mga kuwarto ng yate, pinagkukuha nila ‘yung mga occupants doon. May mga nag-resist, pero nadala ‘yung dalawang Canadian and then one Norwegian na kasama ‘yung misis na Pilipina,” aniya.
Isinakay ng mga kidnaper ang apat sa kanilang bangkang de motor na, ayon sa lokal na pulisya, ay namataang naglalayag patungo sa direksyon ng Compostela Valley, ani Rivera.
Kilala ang Compostela Valley sa pagiging balwarte ng New People’s Army (NPA), pero sinabi ni Rivera na malabong mga rebeldeng komunista ang nagsagawa ng pagdukot.
“Malabo, malabo na NPA, hindi naman ganun ang signature nila eh,” aniya.
Ayon kay Rivera, biniberipika ngayon ng pulisya ang natanggap nitong impormasyon na ang mga kidnaper ay kasapi ng Bangsamoro Army o BAMA.
“Ang sabi-sabi doon ay BAMA ito, BAMA. ‘Yung BAMA 80s pa ‘yan, composed of Muslim renegades pero wala na yan ngayon, MNLF (Moro National Liberation Front) na ‘yan ngayon, kaya hindi pa ma-ascertain kung anong grupo itong involved,” aniya.
Nagpakalat na ng mga sundalo’t pulis, na may kasamang eroplano at helicopter ng militar, para hanapin ang mga kidnaper at mga biktima, ani Rivera.
Pinapasuyod na rin sa mga team ng Navy at Coast Guard ang bahagi ng dagat at mga islang malapit sa Samal, sabi naman ni Caber.

 

Read more...