San Beda Red Lions puntirya ang ika-12 panalo

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. EAC vs Perpetual Help
4 p.m. San Sebastian vs San Beda
Team Standings: San Beda (11-3); Letran (11-4); Perpetual Help (10-4); Arellano (10-5); Mapua (10-5); JRU (9-6); *San Sebastian (4-10); *St. Benilde (3-12); *Lyceum (3-12); *EAC (2-12)
* – eliminated

IDIDIKIT pa ng San Beda College Red Lions ang sarili sa hangaring insentibo sa susunod na yugto habang sumosyo sa ikalawang puwesto ang nakataya sa University of Perpetual Help Altas sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Kalaro ng five-time defending champion Red Lions ang San Sebastian College Stags na magsisimula matapos ang pagtutuos ng Altas at Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na alas-2 ng hapon.

May 10-4 karta ang Altas at kung magwagi pa ay aakyat sila para saluhan sa pangalawang puwesto ang Letran.

Galing ang Perpetual Help sa 70-47 pagdurog sa College of St. Benilde Blazers at nanguna sa koponan si Earl Scottie Thompson na ikinasa ang ikaanim na triple-double ngayong season sa itinalang 21 puntos at tig-10 rebounds at assists.

Hindi nakikitang magiging problema ang Generals sa Altas na mayroon lamang dalawang panalo matapos ang 14 laro.

Tinalo na ng Red Lions ang Stags, 92-81, upang maging paborito na masungkit ang ika-12 panalo sa 15 laro.

Si Arthur dela Cruz ang mangunguna para sa Red Lions na dapat ay kakitaan din ng pamatay na porma dahil ang Stags, na may 4-10 baraha, ay nagnanais na maipanalo ang mga nalalabing laro bilang paghahanda na rin sa susunod na NCAA season.

Nagpakita ang Stags ng determinasyong maabot ang target sa 91-77 pagdurog sa Generals sa huling asignatura.

Kaya hindi puwedeng magkumpiyansa ang mga bataan ni San Beda coach Jamike Jarin lalo na’t dikitan ang labanan para sa puwesto sa Final Four.

Read more...