Text sa amin ni Teacher NL nu’ng Linggo nang hapon, “Tatlo lang ang puwedeng magpaiyak sa akin. Si Mama Ana, isang magandang kanta, saka ang show ni Willie Revillame.”
Walang kaalam-alam ang aming kaibigan-anak-anakan na pareho lang kaming lumuluha nang mga sandaling ‘yun dahil sa isang batang lalaking contestant sa Wowowin.
Napakasimple lang ng dahilan pero tumatagos sa puso ang kuwento. Taga-Batangas ang bata, itinutu-ring na itong tunay na anak ng isang mangingisda, may mga pagkakataong kaila-ngang um-absent ng bata sa klase dahil sa pagtulong sa pangingisda ng kanyang ama-amahan.
“Minsan po ay lumiliban ako sa pagpasok dahil tumutulong ako sa pamamalakaya,” sabi ni Anthony. Isa pang makabasag-puso ay ang ikinuwento nito at ng kanyang mga magulang na nu’ng mag-audition ang bata ay hindi na sila umuwi sa Batangas.
“Nakitulog na lang po kami sa isang nakaparadang jeep sa isang gasolinahan,” sabi ng ina ni Anthony, sabay pasalamat sa may-ari ng jeep na nagpa-tulog sa kanila.
Napakasimpleng sitwasyon, pero ang sakit-sakit sa dibdib, heto ang isang batang sa kabilang kahirapan ay patuloy pa ring nakikipaglaban. Iyak nang iyak si Anthony.
Habang iniinterbyu ni Willie ang bata ay ipinatawag niya ang mag-asawa, pinabigyan niya ng jacket at cellphone ang mga ito. Sampung libo para kay Anthony at sampung libo pa uli sa kanyang mga magulang.
“Para po makatulong man lang sa inyo,” sinserong sabi ni Willie sabay tapik sa balikat ng ama-amahan ni Anthony. Punasan nang punasan ng luha ang studio audience.
Ang dami ring nag-text sa amin na nagsasabing iyak sila nang iyak. Akmang-akma ang titulo ng bagong kanta ni Willie Revillame sa kabutihan ng kanyang puso para sa mga kababayan nating kapuspa-lad – “Nando’n Ako.”