Mister ni Kathleen Hermosa na may brain cancer gumagaling na

kathleen hermosa

Halatang pigil ang mga luha ni Kathleen Hermosa habang sinasabi niyang answered prayer na napasama siya sa seryeng Nathaniel dahil dumating ang offer nang malaman niyang may brain cancer ang asawa niya na under chemotheraphy ngayon.

“Talagang God really provides, hindi ka pababayaan kapag nangangailangan ka,” ang bungad ni Kathleen nang makausap namin sa finale presscon ng Nathaniel.

Natanong ang aktres kung hindi ba siya nahihirapan na puyat siya sa taping tapos aasikasuhin pa niya ang asawang maysakit na naiiwang mag-isa sa bahay nila, “Nama-manage naman po, kasi kailangan ko ring mag-work kasi e-versince na nag-asawa kami, hindi kami umasa sa magulang namin, we were on our own talaga.

“At doon namin na-test na kaya pala namin, pinalalakas kami ng sitwasyon, ‘yung problema kaya pala dahil sa faith namin kay God,” pahayag ni Kathleen.

Isang taon na raw ang nakararaan nang malaman ni Kathleen na may brain cancer ang asawa niya.
“Nasa US po kami no’n on vacation and at the same time, we were looking for opportunity for us (planong mag-migrate), tapos 5 days po bago kami umuwi (sa Pilipinas), September 17, biglang nag-seizure siya and at that time, wala po ako sa tabi niya kasi nga pabalik na kami ng Pilipinas so, kanya-kanya muna kaming visit sa relatives.

“Then, nu’ng itakbo siya sa hospital, hindi na siya pinalabas ng doktor, inoperahan na po siya, tapos pag-uwi, dito na kami nagpa-chemo. There were no signs (brain cancer), walang kahit ano or symptoms, and as of now, he’s on his 6th (session) chemo and mukha siyang walang cancer, he looks good, pero makikita mong may tahi na siya (sabay turo sa ulo).

“Tinubuan na rin siya ng buhok, sa left frontal at ang nakuha sa kanya is kasing laki ng itlog (laman),” kuwento ni Kathleen. Sa tanong namin kung saan nakuha o paano tumubo ang ganu’ng laman, “Walang sagot kung saan nakuha, pero sabi out of 3,000 people, sampu ang nagkakaroon ng ganu’n, very rare po ‘yung magkaroon ng brain cancer, usually, tumor lang.

“Tumor meaning pag tinanggal mo, hindi na babalik, ‘yung cancer is a lifetime, ma-stop lang ‘yung growth, pero hindi siya mawawala, and now that we believe and we are claiming na cancer-free na ang asawa ko.

“Kaya itong Nathaniel talaga is a big part na show na nakapagpatibay sa akin kasi everytime na maski saan ako magpunta, mapa-work, sa bahay ng sister ko, there’s always a reminder na si God is there, so kahit sa trabaho, nandoon si God,” nangingilid ang luhang kuwento ng aktres.

Samantala, gustong magpasalamat ni Kathleen sa lahat ng sumusuporta sa Nathaniel at sa Dreamscape Entertainment dahil matagal na niyang pangarap na mapasama sa mga proyekto ng nasabing unit.

Read more...