USO na muli ang mga balimbing sa harap naman ng pagpasok ng kampanya para sa 2016 presidential elections.
Ilang araw kasi pagkatapos na magdeklara ng kanilang kandidatura sina Sen. Grace Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero, naglipatan na ang ilang pulitiko sa kanilang Nationalist People’s Coalition (NPC) na inaasahan namang magdadala ng kanilang kandidatura.
Alam naman natin na kapwa nangunguna sina Poe at Escudero sa mga survey sa pagkapangulo at pagka-bise presidente.
Siyempre kung sino ang malakas na mga kandidato, dun ang mga mauutak na mga pulitiko para nga naman malapit sila sa grasya kapag natapos ang eleksyon.
Ang katwiran naman ng mga pulitikong nag-oober da bakod, kapag alam nilang alanganin na ang kanilang sinusuportahang pulitiko ay ginagawa nila ito para sa kanilang mga nasasakupan dahil hindi naman daw sila ibobotong muli kung wala silang mga proyektong maibibigay sa mga constituents nila.
Dito kasi sa ating bansa, kapag kalaban ka sa pulitika at hindi ka kapartido, swerte ka na kung mabibigyan ng proyekto ang iyong probinsiya.
Hindi ba’t ilang beses nang nagreklamo ang mga hindi kapartido ng Liberal Party (LP) na tanging mga probinsiya na kaalyado ni Pangulong Aquino ang nabibigyan ng mga proyekto.
Kabilang na rito ang Iloilo na probinsiya ni Senate President Franklin Drilon at ang Batanes na probinsiya naman ni Budget Secretary Florencio Abad.
At ngayon ngang sina Poe at Escudero ang llamado, siyempre nag-uunahan na ang mga pulitiko sa pagtalon ng partido.
Ika nga, kapag pulitiko ka, walang prinsi-prinsipyo, talagang dedma na lang kung masabihan kang balimbing basta’t alam mong makikinabang ka sa iyong pag-oober da bakod.
Kaya sa papalapit na eleksyon at maging pagkatapos ng eleksyon, asahan na natin ang mas marami pang balimbing na mga pulitiko.
Sa nangyayaring kaganapan ngayon, hindi na tayo magtataka na ang magkaaway noon ay magiging magkaalyado ngayon.
Ika nga sa kasabihin, walang permanenteng kaaway, kundi ang permanenteng interes lamang para lamang sa pulitiko.
At ito nga ay ang tiyakin lamang na kapag tumakbo sila ay may pondo silang makukuha mula sa mga partido at kapag nanalo naman ay malapit sa kaban ng bayan.
Ang pulitika nga naman sa ating bansa.
Ang tanong lamang, nakikinabang nga ba ang mga ordinaryong mamamayan o ang mga pulitiko lamang ang nakikinabang tuwing may eleksyon?