BF ng aktres bugbog-sarado sa mag-utol

WINWIN MARQUEZ

WINWIN MARQUEZ


SUGATAN ang boyfriend ng aktres na si Wynwyn Marquez makaraang bugbugin ng magkapatid dahil sa away sa kalsada kamakalawa ng gabi sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa.
Nagtamo ng sugat sa ulo at katawan si Karlo Alfonso Santiago, 26, ng Batangas South, Ayala Alabang Village. Ginamot siya sa Asian Hospital.
Si Santiago ay boyfriend ni Marquez, anak ng mga artistang sina Alma Moreno at Joey Marquez.
Pinaghahanap naman ng mga otoridad ang magkapatid na Christian at Angelo Joson na nahaharap sa mga kasong frustrated homicide, serious physical injuries, at child abuse.
Ayon sa ulat, palabas ng kanilang compound si Santiago, kanyang amang si Alfonso, at batang pamangkin sakay ng golf cart alas-9:30 ng gabi nang harangin sila ng puting Toyota Prado (XLU-831).
Agad bumaba ang magkapatid na Joson at sinabihan ang matandang Santiago ng “Ang angas mo ah! May sinasabi ka ba?”
Inawat ni Karlo ang mga suspek subalit siya ang pinagbalingan ng mga ito.
Hindi umano tinigilan ng mga suspek ang panggugulpi sa biktima hanggang sa nawalan ito ng malay.
Habang binubugbog ang biktima ay humirit pa ang isa sa mga suspek ng
“Baka hindi ninyo kami kilala, mga Joson kami ng Nueva Ecija.”
Nang makitang hindi na makatayo ang biktima ay mabilis na sumakay ng kanilang sasakyan ang mga suspek at tumakas.
Napag-alaman na lulan din ng Prado ang mga magulang ng mga suspek na sina Crislito at Patricia Joson.
Ayon sa pulisya, hanggang kahapon ng hapon ay hindi pa lumulutang ang magkapatid na Joson sa kanilang tanggapan upang makuhanan ng pahayag hinggil sa pambubugbog sa biktima.

Read more...