KINUMPIRMA ng Palasyo na nasa Naga si dating Interior secretary at pambato ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas para kumbinsihin si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na kanyang maging bise presidente sa 2016 elections.
Sa isang briefing, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hinihintay pa ang magiging sagot ni Robredo sa alok ni Roxas.
“Si former DILG Secretary Mar Roxas has been talking to her about a possible VP run. Sa akin pong pagkakaalam ay magkasama po sila ngayon sa Naga,” sabi ni Valte.
Idinagdag ni Valte na may iba pang grupo na kumukumbinsi kay Robredo na maging running mate ni Roxas matapos namang pormal nang magdeklara si Sen. Grace Poe ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo.
Ito’y matapos na ring umpisahan ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa kanyang Facebook account ang hashtag para sa kandidatura ni Robredo.
“The President is aware of the ongoing talks with Congresswoman Robredo,” ayon pa kay Valte.
Hindi naman masabi ni Valte kung bakit hindi si Robredo ang unang pinili ni Aquino para maging bise presidente ni Roxas.
“That I cannot answer. I am not privy to the decisions that were made previously and siguro po mas — the President will be in a better position to explain how they arrived at the process,” giit ni Valte.
Nauna nang inalok ni Aquino si Poe na maging running mate ni Roxas.