Mag-aabroad ba o hindi? Choice mo ‘yun

DATI-rati, madalas na-ting marinig sa ating mga kababayan na wala silang choice kaya napipilitan silang mag-abroad.

Pero, hindi na ngayon. Hindi na kasi maaaring walang choice. Ang totoo, laging mag pagpipilian dahil personal na desisyon ng isang indibidwal kung mangingibang-bansa ba siya o hindi.

Dahil ba sa kawalan ng hanapbuhay o mapapasukan kaya nag-aabroad? O kailangan lang ng dagdag na kasanayan at ilang mga programang pangkabuhayan ang dapat nilang daluhan kaya sila nakakapag-abroad?

Kaya naman patuloy na inihahandog ng Bantay OCW Foundation, Inc. sa loob ng 18 taon, ang tulong-pang-kabuhayan para sa ating mga kababayan, mga OFW lalo na ang mga kababaihan.

Marami na ang natulungan ng programang ito na makakuha ng mga kasanayang tulad ng multi-media courses, computer training, wellness program at marami pang iba.

Kaagapay ang Inquirer Group, tuloy-tuloy na paglilingkod ang hatid ng Bantay OCW kasama ang Inquirer Bandera, Radyo Inquirer, Philippine Daily Inquirer at ang Inquirer.net.

Sa tulong ng iba’t-ibang sektor na sumusuporta sa Bantay OCW Foundation tulad ng SSS, 24H City Hotel, mysuites.com, Beam and Go at ng tanggapan ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., muling binuksan namin ang napapanahong mga pagsasanay tulad ng Multi-media courses, Sewing, Machine Operation, Hair & Make up at ilan pang mga practical skills training.

Sa katatapos na Hair & Make up session ng Bantay OCW, labis-labis ang pasasalamat ng ating mga kababaihang nagkaroon ng pribilehiyong makadalo sa proyektong ito.

May isang dating OFW mula sa Hongkong at pinili na lamang niyang bumalik ng bansa for good. Nang malaman niyang may libreng pagsasanay na ibinibigay ang Bantay OCW Foundation, agad siyang nagpalista sa amin.

Matapos pag-aralan ang short course ng Hair & Make Up, nasabi niyang hindi na nga kailangang mag-abroad pa.

Tiyak na magagamit daw niya ang natutunan at magsisilbing kanyang kabuhayan.

Tuwang-tuwa naman ang isang trainee na nakatakdang mag-asawa ng isang European.

Matapos matuto, sinabi niya na pwede siyang makapaghanapbuhay kahit na ano pang mangyari sa kanila ng mapapangasawa.

Hindi namin pagsasawaan sa Bantay OCW Foundation na makatulong sa abot ng aming makakaya katuwang ang iba’t-ibang mga organisasyon at indibiduwal na patuloy ding sumusuporta at tumutulong sa amin.

Kung nais po ninyong makasama sa aming livelihood at skills training scholarship program, makipag-uganayan lamang po sa aming helpline: 0998.991.2629 o di kaya’y mag-email sa bantayocwfoundation@yahoo.com o susankbantayocw@yahoo.com.

Ibigay lamang po ang buong pangalan, address, telepono, at kung anong kursong nais pag-aralan. Ilakip din po ninyo kung kayo mismo ang OFW, may kapamilyang OFW at nasaang bansa ito nagtatrabaho.

Hihintayin po namin kayo.

Read more...