INIIMBESTIGAHAN na ng pulisya ang posibilidad na personal na galit ang dahilan ng pagpatay sa 17-taong-gulang na accountancy student na si Karen Kaye Montebon noong Martes ng umaga.
Sinabi ni Lapu-Lapu police chief Senior Supt. Armado Radoc na nakatanggap sila ng ulat na nakipag-away si Montebon bago matagpuan ng kanyang ama ang kanyang katawan sa kanilang bahay sa Lapu-Lapu City.
“We already have a suspect. A team is already conducting a pursuit [operation],” sabi ni Radoc. Hindi naman niya tinukoy kung ito ang nakaaway ng biktima.
Natagpuan si Montebon, isang freshman student ng University of San Carlos (USC) ng kanyang amang si James sa loob ng kanyang kuwarto sa kanilang bahay sa Corinthians subd. sa Sitio Suba-Masulog, Barangay Basak ganap na alas-5:30 ng hapon noong Martes. Nagtamo siya ng mga pasa at itinali sa kanyang leeg ang kordon ng isang hair straightener.
Kinumpirma ng mga duktor mula sa Mactan Doctors’ Hospital na siya ay sinakal at may laceration din sa pribadong parte ng kanyang katawan.
“Police could not say with finality that the victim was raped because the laceration was very small and found at the outer part of her sex organ,” sabi ni Radoc.
Aniya, bumuo na ng isang special team para maaresto ang suspek.
Hindi naman niya tinukoy kung babae o lalaki ang suspek. Inamin niya na ang aksyon ng pulis ay base sa tip na ipinadala sa text.
Aniya, hindi residente ng subdivision ang suspek.
Nag-alok na ang lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu City ng P500,000 para maaresto ang nasa likod ng krimen.