KUMAMBIYO si Pangulong Aquino kaugnay sa sinasabi niyang “alternative truth” at sinabi na ang Special Action Force (SAF) ang nakapatay sa teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan at hindi ang aide nito na naunang pinalutang ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“Matagal-tagal na pong may umiikot na mga alternatibong naratibo ukol sa engkwentrong naganap sa Mamasapano. Lumabas na po ito sa media: Ang sabi, hindi raw ang ating Special Action Force o SAF ang nakapaslang kay Marwan. Diumano, kasamahan daw ni Marwan ang nakapatay sa kanya; sila rin daw ang kumuha ng kanyang daliri at naghatid nito sa SAF,” sabi ni Aquino sa kanyang press conference sa Malacanang.
Nagpakita rin si Aquino ng mga litrato ni Marwan kung saan pinutulan siya ng daliri ng SAF matapos siyang mapatay.
“Nang ipresenta nga po sa atin ang diumano’y alternatibong naratibo, at balikan ang tangan nating ebidensiya, hindi naman po natin ito maaaring isantabi na lang. Baliktad na baliktad po ang alternatibong bersiyong ito sa naunang salaysay. Trabaho po nating suriin at alamin ang buong katotohanan, upang magkaroon ng tama at makatuwirang kongklusyon,” ayon pa kay Aquino.
Idinagdag ni Aquino na dumating na ang mga bagong ebidensiya na magpapatunay na ang SAF ang nakapatay kay Marwan.
“Makikita ang isa nating SAF trooper, katabi ang bangkay ni Marwan at mapapansing kumpleto pa ang mga daliri niya sa kaliwang kamay. Makikita naman po sa mga sumunod na larawan ang parehong SAF trooper, hawak ang kaliwang kamay ni Marwan, at nasa aktong kukunin ang daliri nito,” dagdag ni Aquino.
“Sa larawan namang ito, naroon pa rin ang ating SAF, at mapapansing sa kaliwang kamay ay mapapansin sa susunod na litrato ay wala na ang isang daliri ni Marwan,” ayon kay Aquino.
Ayon kay Aquino na nagpapatunay lamang ito na hindi totoo ang tinaguriang alternatibong naratibo na ang kasamahan ni Marwan ang nakapatay.
“Ano po ba ang sinasabi ng alternatibong naratibo? Ayon po rito, kasamahan ni Marwan ang pumatay sa kanya, at ito rin ang kumuha ng daliri at nagbigay nito sa SAF. Pero maliwanag naman po sa presentasyon natin ngayon: SAF ang nandoon; imposibleng pagdudahan pa na SAF ang kumuha ng daliri ni Marwan. Ibig sabihin din po: Lahat ng iba pang salaysay ukol sa sinasabing alternatibong naratibo ay wala nang basehan, at wala na ring saysay,” giit pa ni Aquino.
Sinabi pa ni Aquino na pinasuri niya sa cybercrime division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang SD card na naglalaman ng mga larawang ito.
“Ang report: Our forensic examiners concluded that the pictures are authentic and unaltered,” sabi pa ni Aquino.
Idinagdag ni Aquino na hindi nakakapagtakang guluhin ang usapin kaugnay ng pagkakapatay kay Marwan dahil sa pabuyang nakalaan para sa ulo niya.
Aniya, dahil sa panibagong kaganapan, inaasahan na niyang uusad na ang kaso laban sa mga sangkot sa pagpatay sa mga miyembro ng SAF.
“Ngayon pong tapos na ang usapin ukol dito, uusad na tayo sa paghahanap nating ng katarungan, lalo na para sa mga nasawi. Sa ngayon po, 90 na indibidwal po ang haharap sa patas at masinsing proseso ukol sa pagpaslang sa 35 Commandos ng 55th Special Action Company na bahagi po ng SAF,” dagdag ni Aquino. (Bella Cariaso)
MOST READ
LATEST STORIES