Estudyante ni-rape; pinatay sa loob ng kanilang bahay sa Cebu

cebu
PATULOY na iniimbestigahan ng mga imbestigador sa Lapu-Lapu City, Cebu ang panggagahasa at pagpatay sa isang first year accountancy student sa loob mismo ng kanilang bahay.
Natagpuang patay si Karen Kaye Montebon, 17, ng kanyang tatay na si James sa loob ng kanilang bahay sa Corinthians subd., Barangay Suba-Masulog, Lapu-Lapu City nang dumating siya mula sa trabaho ganap na alas-5:30 ng hapon noong Martes.
Naniniwala ang pulisya na nangyari ang krimen sa pagitan ng alas- 7 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga nang makaalis na lahat ng iba pang miyembro ng pamilya.
Paalis sana ang biktima papasok ng paaralan ganap na alas-10 ng umaga.
Natulala si James nang matagpua ang wala nang buhay na katawan ng kanyang anak sa kama, na tinalian ang leeg ng kordon ng hair straightener.
Nawawala rin ang iPod at DSLR kamera ng biktima.
Dinala ni James ang anak sa Doctors’ Hospital kung saan kinumpirma ng mga duktor na siya ay ginahasa.
Natagpuan ang kanyang underwear na may bahid ng dugo.
Sinabi ni PO3 Jerson Alparito, ng Lapu-Lapu City Police homicide section na nakatakdang isailalim ang katawan ng biktima sa autopsy kahapon ng umaga.
Idinagdag ni Alparito na ganap na alas-9 ng umaga, wala pa ring suspek ang mga pulis, bagamat isang pares ng tsinelas ang natagpuan sa labas ng bahay ng biktima.
Sa social media, nanawagan ng hustisya ang mga kaibigan at kapwa kamag-aral ng biktima mula sa University of San Carlos sa Cebu City gamit ang hashtag #JusticeForKarenKayeMontebon.

Read more...