TEMPORARY pa lang po ang ID ko sa SSS. Ang employer ko po noon ang nag-submit ng requirements ko.
Ngayon magpapasa po ako ng original birth certificate galing NSO. Gaano po kaya katagal bago maayos ang SSS ID ko?
Ngayon ko lang po nalaman na naka-temporary SSS lang ako, may 45 contributions na po ako. Maglo-loan at magki-claim po sana maternity benefits. Six months po akong buntis. Sabi sa opisina namin kapag 120 days ay di pa ko nakapag- file ng Mat1 hindi nila maa-advance ‘yung benefits, at ibibigay na lang pag nai-file ko na ang mat2. Ano po ba talaga ito?
Pwede po ba ako magfile ng loan at maternity benefits nang sabay? Gaano katagal bago maayos ang SSS number ko?
Salamat.
Luicihi Taaca
REPLY: Ito ay tungkol sa katanungan ni B. Luichi Taaca hinggil sa kanyang temporary SS ID at sa pagpa-file ng salary loan at maternity benefit.
Iminumungkahi namin na ayusin na agad ang kanyang member record status upang maging permanent na ito mula sa pagiging temporary.
Kailangan niyang magsubmit ng certified true copy ng kanyang birth certificate sa pinakamalapit na SSS branch upang maging permanent na ang kanyang member record status.
Kung walang birth certificate, maaari niyang iprisenta ang alinman sa mga sumusunod na ID cards o dokumento:
Baptismal Certificate
Driver’s License
Pasaporte
Professional Regulation Commission (PRC) card
Seaman’s Book
Ang isang miyembro na nagnanais makakuha ng salary loan ay dapat mayroong hindi bababa sa 36 buwanang hulog bago ang pagpa-file ng aplikasyon.
Upang makapangutang, dapat siyang magsumite ng Member Loan Application at SS ID o kaya SS Form E-6 kasama ang dalawang valid IDs.
Batay sa aming rekord, mayroon na siyang 47 buwanang kontribusyon mula Mayo 2011 hanggang Hulyo 2015 kaya siya ay kwalipikadong makakuha ng salary loan.
Ngunit dahil temporary pa lang ang kanyang member record status, hindi pa siya maaaring mag-file ng salary loan. Kailangan munang maging permanent muna ang kanyang member record status bago siya makapangutang.
Para naman sa maternity benefit, ang isang miyembrong babae ay da-pat mayroong hindi bababa sa tatlong buwanang hulog sa nakalipas na 12 buwan bago ang semestre ng kanyang panganganak.
Kwalipikadong tumanggap ng maternity benefits mula sa SSS si Bb. Taaca.
Kahit temporary ang record ay maaari na niyang i-file ang MAT-1 o Maternity Notification dahil ito ay pag-aabiso na siya ay buntis.
Dapat niyang ma-patatakan ang MAT 1 sa pinakamalapit na SSS branch. Ang MAT-1 ang isa sa mga supporting document na kailangan ng kanyang employer sa pag-file ng MAT-2 o Maternity Reimbursement.
Nais din naming lina-win ang patakaran ng SSS ukol sa maternity benefit na dapat mai-file ang MAT-1 kapag nalaman niyang siya ay buntis. Ngunit nais din namin ipabatid na ang bawat kumpanya ay mayroon ding patakarang ipinatutupad ukol sa pag-claim ng maternity benefits.
Tandaan po natin na ang kumpanya ni B. Taaca ang unang magbibigay ng maternity benefit at ito ang sisinggilin ng kanyang kumpanya sa SSS sa pamamagitan ng pag-file ng MAT-2 o Maternity Reimbursement.
Kaya naman pangkaraniwan nagpapatupad ang mga kumpanya ng patakaran ukol sa pag-claim ng maternity benefit upang masiguro na sila ay mababayaran ng SSS ukol sa naibigay nilang maternity benefit sa kanilang empleyado.
Kaya aming iminumungkahi na asikasuhin na ni B. Taaca ang kanyang MAT-1 pati na rin ang kanyang member status record upang makapag-loan at masiguro na makakakuha ng maternity reimbursement ang kanyang kumpanya.
Nawa’y nabigyan namin ng linaw ang bagay na ito.
Salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco Social
Security Officer IV
SSS Media Affairs
Department
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.