NAAKSIDENTE ang sinasakyang kotse ng kontrobersiyal na aktor na si Baron Geisler sa Pasig City noong Martes ng umaga.
Minamaneho ni Geisler, 33, ang kanyang itim na Toyota Fortuner (TN0171) nang bumangga sa 14-wheeler truck (RJA 151) sa kahabaan ng Felix ave., Barangay Manggahan, bago mag-alas-4 ng umaga, ayon sa Pasig City traffic bureau.
Hindi naman nasaktan ang aktor, na Baron Frederick von Geisler sa tunay na buhay, bagamat napinsala ang kanang bahagi ng kanyang Fortuner, ayon sa ulat ng DZMM.
Dinala ang sasakyan ni Geisler at ang trak sa Pasig traffic bureau para sa kaukulang imbestigasyon para madetermina kung sino ang may kasalanan.
Gumaganap si Geisler na “Tagasundo,” o si kamatayan sa teleserye ng ABS CBN’s na Nathaniel.