Letran Knights puntirya ang ika-12 panalo kontra Mapua Cardinals

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. St. Benilde vs JRU
4 p.m. Letran vs Mapua
Team Standings: Letran (11-2); San Beda (10-3); Arellano (10-4); Perpetual Help (9-4);
Mapua (8-5); JRU (7-6); San Sebastian (3-10); St. Benilde (3-10); Lyceum (3-11); EAC (2-11)

PALALAKASIN pa ng Letran ang pagkakakapit sa unang puwesto sa pagharap sa mainit na Mapua sa pagpapatuloy ng 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Target ng Knights na ika-12 panalo na magtutulak sa koponan para lumayo pa sa ibang nag-aasam na makuha ang unang dalawang puwesto sa pagtatapos ng elimination na magkakaroon ng mahalagang twice-to-beat advantage.

Magsisimula ang laro dakong alas-4 ng hapon matapos ang pagtutuos ng Jose Rizal University at College of St. Benilde sa ganap na alas-2 ng hapon.

May 7-6 karta ang Heavy Bombers at kailangan nila ang panalo para manatiling matibay ang paghahabol ng upuan sa Final Four.

“We still have a chance but we can’t relax,” wika ni JRU coach Vergel Meneses.

Tinalo ng Heavy Bombers ang Blazers, 67-49, at aasa ang koponan na magpapatuloy ang magandang ipinakikita nina Paolo Pontejos at Bernabe Teodoro upang umangat pa sa laban.

Nanalo rin ang Knights sa Cardinals sa unang pagtutuos, 80-77, at sila ay sasandal sa galing ng mga beteranong sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal.

Hindi naman padadaig ang Cardinals na may apat na sunod na panalo na ipaparada.

Gagamitin din ng host school ang ipinataw na dalawang larong suspension sa kanilang coach na si Fortunato Co matapos mapatalsik dahil sa pagrereklamo sa naipanalong laro laban sa Lyceum Pirates.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa taong ito na nasuspindi si Co at ang una ay nangyari rin laban sa Pirates na nagresulta sa one-game suspension.

Read more...