UST Tigers nahablot ang solo lead sa UAAP

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UE vs Adamson
4 p.m. NU vs Ateneo
Team Standings: UST (3-0); UP (2-1); FEU (2-1); Ateneo (1-1); UE (1-1); La Salle (1-2); NU (0-2); Adamson (0-2)

NAGPATULOY ang winning streak ng University of Santo Tomas sa University of the Philippines nang nag-init sa huling yugto si Ed Daquioag tungo sa 67-59 panalo sa 78th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Parehong galing sa dalawang magagandang panalo, ang Tigers ang mas nakitaan ng galing sa huling yugto at ito ay dahil sa kamay ni Daquioag na nagbagsak ng 17 sa kanyang 27 puntos sa laro sa fourth period.

Bago ito ay nakikipagbalikatan ang Maroons sa Tigers at sa pagtatapos ng ikatlong yugto ay napag-iiwanan lamang sila ng dalawang puntos, 42-40.

Pero sa pagbukas ng huling quarter ay nanalasa si Daquioag at inangkin ang 17 sa unang 19 puntos ng Tigers para bigyan ang koponan ng 61-54 kalamangan.

“Si Ed, last year pa niya dinadala ang team pero nagkaroon lang siya ng injury,” wika ni UST coach Segundo dela Cruz na naiangat ang malinis na baraha sa 3-0.

Tumipa naman si Kevin Ferrer ng 16 puntos at 10 reboounds habang si Karim Abdul ay may walong puntos at walong rebounds upang tulungan ang UST sa ika-17 sunod na panalo sa UP na nagsimula sa second round noong 2006.

Sina Diego Dario at Andres Desiderio ay naghatid ng 15 at 12 puntos para sa Maroons na ininda ang kawalan ng take-charge guy sa puntong unti-unting lumalayo ang katunggali.

Ipinalasap naman ng Far Eastern University sa De La Salle University ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng 93-75 panalo sa ikalawang laro.

May dalawang triples si Alejandrino Inigo habang tig-isa ang ginawa nina Roger Pogoy at Monbert Arong para pasiklabin ang 20-0 bomba upang ang tatlong puntos na kalamangan ay maging 77-54 bentahe.

Si Mike Tolomia ay mayroong 20 puntos habang sina Mark Belo  at Prince Orizu ay mayroong 17 at 12 puntos para umakyat ang FEU sa 2-1 baraha.

Tumapos si Jeron Teng taglay ang 29 puntos, 10 rebounds at 4 assists para sa Green Archers na natalo sa ikalawang sunod na laro tungo sa 1-2 baraha.

Read more...