NAILABAS ni Christian Paul Anor ang galing sa paglalangoy nang walisin ang siyam na individual events na sinalihan sa pool competition sa 2015 Philippine National Games (PNG) Mindanao Leg na ginawa sa Pagadian Government Center swimming pool sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Bawing-bawi ang nag-iisang lahok sa pool mula Balanga, Davao Oriental mula sa kawalan ng ginto sa Palarong Pambansa nang ipakita na Anor na siya ang pinakamahusay na tanker mula sa Mindanao matapos pagharian ang boys’ 16-and-over 1,500m (18:22.41), 400m (4:31.43), 200m (2:10.36), 100m freestyle (56.31), 200m (2:20.94), 100m backstroke (1:05.40), 200m individual medley (2:25.88), 50m backstroke (29.27) at 50m freestyle (25.91).
“Proud po ako sa ginawa ko dahil nagbunga ang training ko,” wika ng 16-anyos 5-foot-8 tanker na isang Grade 10 mag-aaral ng Baculin National High School sa Davao Oriental.
Hindi naman kataka-taka ang determinasyon ni Anor na kuminang dahil gusto niyang masama sa national team para makilala upang mangyari ang dalangin na magkasama uli ang kanyang mga magulang na sina Danilo at Mercelita.
“Ginagamit ko po bilang inspirasyon ang paglalangoy dahil sana kapag sumikat ako ay magkakasama uli sila,” ani ni Anor sa mga magulang na naghiwalay noong Grade 3 pa lamang siya.
Dalawang araw lamang ang swimming competition at ang lumabas bilang pinakamahusay na lady tanker ay si Regine Lombrino ng General Santos City na nanalo ng anim na ginto at tatlong pilak.
Sa mga events na girls 16-and-over 400m freestyle (5:34.21), 50m butterfly (37.86), 100m backstroke (1:28.78), 400m individual medley (6:31.16), 200m individual medley (3:08.73) at 800m freestyle (11:39.37) kuminang si Lombrino na beterana ng Batang Pinoy pero hindi pa nananalo ng gintong medalya.
“Magaan po ang feeling dahil nag-improve po ako,” wika ng 16-anyos na ang mga magulang ay nagtitinda ng mani.
Ang LGU ni Lombrino ay nangako ng P1,500 at P1,200 sa bawat ginto at pilak na mapapanalunan ng kanilang tankers kaya’t nasa P12,600 ang makukuhang gantimpala ng swimmer na ibibigay niya sa kanyang mga magulang.
Natuwa naman si Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner at project director Jolly Gomez sa nakita sa mga tankers dahil may mga sumali sa kalalakihan na ang taas ay nasa 5-foot-8 pataas upang magkaroon ng tibay ang paghahangad na makatulong sa pagdiskubre ng mga matataas at mahuhusay na swimmers para sa national team.
Idinagdag pa ni Gomez na ang mga nanalo ng medalya ay makakasali sa National Finals na gagawin sa susunod na taon at sila ay tatanggap ng P3,000 subsidy para sa kanilang pamasahe mula sa PSC.