NOONG Biyernes ay pormal nang nanumpa ang bagong Interior Secretary Mel Sarmiento matapos namang pormal nang bumaba sa kanyang puwesto si dating DILG secretary Mar Roxas.
Bilang appointed na opisyal, matagal na sanang bumaba si Roxas sa kanyang puwesto pagkatapos na pagkatapos siyang iendorso ni Pangulong Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party (LP) para sa 2016 presidential elections.
Bagamat nagbitiw sa puwesto, inatasan siya ni PNoy na manatili hanggang walang ipinapalit sa kanya para umano matiyak na hindi maaapektuhan ang mga programa pamahalaan.
Ngunit imbes na magpokus sa trabaho sa DILG, hindi ba’t nag-umpisa nang mangampanya si Roxas sa iba’t-ibang panig ng bansa?
Kahit hindi sabihin, halata namang pangangampanya na ang tinawag na “A Gathering of Friends” na ginawa sa Cebu at ang pinakahuli ay sa Davao City.
Ginastusan ang mga pagtitipong ito dahil bukod sa mga dilaw na t-shirt na suot ng mga dinala sa mga venue, may mga give-away din para sa mga dumalo.
At sa pagkakatalaga nga kay Sarmiento, marami ang napataas ang kilay dahil siya ay ang secretary general ng LP.
Bilang nasa ilalim ng DILG, hindi kasi maiiwasang isipin na malaki ang magiging papel ng PNP sa kandidatura ni Roxas.
At nang ihayag ni Pangulong Aquino ang pagkakatalaga ni Sarmiento sa DILG, hindi maiaalis ng administrasyon na mag-iisip ang publiko na magagamit lang ang PNP ng LP.
Sa dami kasi ng pupuwedeng ilulok bilang DILG, isang stalwart pa ng LP ang iniupo ni PNoy sa kagawaran.
Hindi tuloy masisisi ng pamahalaan ang publiko na mag-isip kung ano ang agenda ng gobyerno kung bakit ang secgen pa ng LP ang iniupo sa DILG.
Sana nga ay walang anumang intensyong masama ang pagkakatalaga kay Sarmiento.
Sabi nga, dapat patunayan ng administrasyon na mali ang kutob ng mga kritiko na may agenda ang gobyerno kung bakit si Sarmiento ang inilagay sa DILG.
Tama nga Mr. President at Mr. Roxas, patunayan ninyong mali ang pangamba ng ilan na gagamitin lamang si Sarmiento para matiyak ang panalo ng dating kalihim.
Bukod sa pagiging kaalyado ni Roxas sa LP, wala nang maipagmamalaki si Sarmiento na katangian para mapiling bagong DILG Secretary.
Dahil nga dedma lamang ang administrasyon sa mga batikos sa pagkakapili ni Sarmiento, walang maaaring gawin ang publiko na magbantay at magmasid kung mali ang akala ng mga kritiko kaugnay ng pagkakatalaga rito.