UMAPELA si Joey de Leon sa mga dabarkads sa buong Pili-pinas na maging mahinahon sa gitna ng napapabalitang “pananabotahe” sa kanilang cable signal kapag umeere na ang kalyeserye ng Eat Bulaga.
Usap-usapan pa rin kasi sa social media ang mga reklamo ng ilang televiewers tungkol sa diumano’y biglang pagpangit o pagkawala ng signal ng kanilang cable kapag nagsimula na ang kalyeserye nina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) tuwing tanghali sa Eat Bulaga ng GMA.
Kung matatandaan, nagsampa ng formal complaint sa National Telecommunications Commission ang GMA laban sa SkyCable matapos makatanggap ng sunud-sunod na reklamo mula sa viewers.
Ngunit sa halip na ma-bwisit, nakiusap nga si Joey sa mga dabarkads na huwag nang magalit sa service provider ng kanilang cable.
Ayon sa post ng TV host-comedian sa kanyang Twitter account: “Kahit mawala cable nyo oks lang, bayaan nyo sila, ratings lang yan. Ire-release namin sa DVD! Tingnan lang natin!”
Hinikayat din niya ang madlang pipol na panoorin na lang ang mga na-miss nilang episode sa Facebook
Kamakailan, sa inilabas na ulat ng AGB Nielsen, lumikha ng kasaysayan sa telebisyon ang Sept. 5 episode ng Eat Bulaga dahil ito ang nakapagtala ng pinakamataas na rating sa lahat ng programa sa TV ngayong taon (January to September). Ito’y dahil nga sa #ALDUBBATTLEForACause episode ng kalyeserye kung saan unang nagkita ang AlDub.
Nakakuha ng 39.5% ang EB samantalang 8.7 naman ang It’s Showtime. Winasak din ng nasabing episode ang record sa Twitter matapos makakuha ng mahigit 5.8 million tweets ang #ALDUBBATTLEForACause.