GUMAWA ng kasaysayan sina Hidilyn Diaz at Nestor Colonia nang kilalanin sila bilang pinakamalakas sa nilahukang dibisyon sa Asian Weightlifting Championships na ginaganap sa Phuket, Thailand.
Ito ang unang pagkakataon na may nanalo na lifters mula Pilipinas at patunay din ito na nakatuon sina Diaz at Colonia sa posibleng puwesto para sa 2016 Rio Olympics.
Kahapon sumalang si Diaz at kahit nagkaroon ng pagkakamali sa unang buhat sa snatch ay nagawa pa rin niyang manalo sa nabuhat na 214 kilograms total.
Ang tubong Zamboanga City na si Diaz ay may 96 kgs sa snatch at nagtala pa ng 118 kgs sa clean and jerk upang hiyain ang hamon nina North Korean Kim Su Ryon at Vietnamese Nguyen Thi Thuy na may 208 kgs at 196 kgs na marka.
Ang mga buhat din ni Diaz sa snatch at clean and jerk ang pinakamataas para sa mga gintong medalya pa.
Ito na ang ikalawang sunod na panalo ni Diaz mula nang Southeast Asian Weightlifting Championships noong Hunyo sa Bangkok at nangyari ito nang bumaba uli siya sa 53 kgs mula sa 58-kg category.
Bago ito ay nagpasikat muna si Colonia na nagtala ng 121 kgs sa snatch at 153 kgs sa clean and jerk para sa 274 kgs total para sa ginto sa men’s 56-kg category.
Ang kambal na dominasyon nina Diaz at Colonia ang nagbigay sa Pilipinas ng kauna-unahang mga panalo sa isang Asian Championships.Matapos nito ay sunod na pagtutuunan nina Diaz at Colonia ang World Weightlifting Championships sa Houston, Texas, USA sa Nobyembre dahil ito ay isang qualifying event para sa 2016 Rio Olympic Games.