Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
2 p.m. JRU vs Mapua
4 p.m. Lyceum vs Arellano
Team Standings: San Beda (10-2); Letran (10-2); Perpetual Help (8-4); Arellano (8-4); JRU (6-5); Mapua (6-5); Lyceum (3-9); San Sebastian (3-9); St. Benilde (3-9); EAC (2-10)
IKATLONG sunod na panalo upang masolo ang ikalimang puwesto ang nais ng host Mapua habang kakapit pa ang Arellano sa pangatlong puwesto sa pagpapatuloy ngayon ng 91st NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Kaharap ng Cardinals ang Jose Rizal University sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng Chiefs at Lyceum dakong alas-4 ng hapon.
Magkasalo sa 6-5 karta ang Cardinals at Heavy Bombers habang ang Chiefs ay katabla ng University of Perpetual Help sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa 8-4 baraha.
Galing ang Cardinals mula sa magkasunod na panalo at ang momentum ay kanilang sasandalan para burahin ang isa sa pinakamasamang laro na naipakita nila sa taon sa unang pagtutuos nila ng Heavy Bombers.
Lumamang ng 18 puntos ang Cardinals sa huling yugto pero hindi nila nabantayan si Bernabe Teodoro para matalo pa, 80-77.
May 32 puntos si Teodoro at siya ang inaasahang magdadala uli ng laban ng JRU na nais na bumangon matapos ang 83-75 pagyuko sa San Beda sa huling asignatura.
Galing ang Chiefs mula sa 84-77 overtime panalo kontra sa Altas sa huling laro at si Jiovani Jalalon ay gumawa ng pangalawa niyang triple-double na 32 puntos, 15 assists at 10 rebounds.
Inaasahan ni Arellano coach Jerry Codiñera na hindi magbabago ang solidong ginagawa ni Jalalon bukod sa pagtibay sa laro ng ibang kasamahan para lumakas ang pag-asang makakapasok sa Final Four ang koponan sa pangalawang sunod na season.