Jalalon napiling NCAA Player of the Week

NAKATAPAT uli ang itinuturing bilang ‘triple-double’ king ng liga, ipinakita ni Jiovani Jalalon na kaya niyang higitan ang ipinakikita ng katunggali para ibigay sa kanya ang ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.

Tumapos ang batikang guard ng Arellano University Chiefs taglay ang 32 puntos bukod pa sa 15 assists at 10 rebounds para hiyain si Earl Scottie Thompson at ang University of Perpetual Altas sa 84-77 overtime panalo.

Anim na sunod na puntos ang pinakawalan ni Jalalon para bigyan ang Chiefs ng 79-70 kalamangan at makabawi sa Altas na tumalo sa kanila sa unang pagkikita.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Chiefs matapos ang 86-82 tagumpay sa College of St. Benilde Blazers at ang tubong Cagayan de Oro City na si Jalalon ay kumamada ng 20 puntos, 9 assists at 6 rebounds.

Ang Chiefs ngayon ay may 8-4 baraha para palakasin ang paghahabol ng puwesto sa Final Four sa ikalawang sunod na taon.

“Maasahan mo siya lalo na kung kailangan na i-take over ang laro,” papuri ni Arellano coach Jerry Codiñera.

Dinaig ni Jalalon para sa lingguhang citation mula sa mga sumusulat sa NCAA sina Arthur dela Cruz ng San Beda Red Lions at Mark Cruz ng Letran Knights.

Read more...