Bus nabangin: 2 patay, 15 sugatan

zamboanga city
Dalawang tao ang nasawi habang di bababa sa 15 pa ang nasugatan nang sumalpok sa motorsiklo, dalawang bahay, at mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Zamboanga City kahapon (Linggo) ng umaga, ayon sa pulisya.

Dead on the spot ang driver ng motor na si Amelia Bucoy, pati si Raquel Solis, isang pasahero ng bus na naipit at nakaladkad sa ilalim ng malaking sasakyan, sabi ni Chief Insp. Joel Tuttuh, tagapagsalita ng city police.

Di bababa sa 15 pa katao, kabilang ang bus driver na si Rogemio Bambao, ang dinala sa iba-ibang ospital matapos masugatan sa insidente, ani Tuttuh.

Naganap ang insidente alas-4:25 sa junction patungong Brgy. Pasobolong na nasa kahabaan ng Maria Clara Lorenzo Lobregat Highway.

Minamaneho ni Bambao ang Rural Transit Mindanao Inc. bus (JVH-919) mula sa “east coast” ng lungsod patungong city proper, nang biglang lumabas ng kalsada ang sasakyan, ani Tuttuh.

Sinalpok ng bus ang motorsiklo ni Bucoy, winasak ang dalawang bahay ng pamilya Colonia, at nahulog sa bangin, kung saan ito natumba pakaliwa, aniya.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng insidente.

Read more...