WALANG malinaw na llamado sa gaganaping Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix na magsisimula sa Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
“All the teams are taking the Grand Prix seriously. They were very busy wheeling and dealing in the offseason in a bid to come up with solid and unbeatable teams,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Ang nagdedepensang kampeon Petron ay solid pa rin dahil ibabalik ang mga manlalarong nakatulong sa matagumpay na kampanya di lamang sa Grand Prix kundi pati sa All-Filipino Cup.
Sina Dindin Manabat, Aby Marano at Rachel Ann Daquis ay magbabalik habang si Brazilian setter Erica Adachi ay makakatuwang ng kababayang si Rupia Inck Furtado para sa pakay na ikatlong sunod na panalo sa PSL.
Pero dadaan sila sa butas ng karayom dahil nagpalakas din ang ibang kasali na Foton, Cignal, Philips Gold, Meralco-DLSU at ang nagbabalik na RC Cola-Air Force.
Ang three-time champion Philippine Army at Team Cebu ay nagbabalak ding sumali at tanging ang kumpanyang susuporta sa kanila ang hinihintay para opisyal na maging kabilang sa liga.
“With all teams beefing up their rosters, we can expect an exciting and competitive matches in the Grand Prix,” paniniyak pa ni Suzara.