Gilas Pilipinas ginapi ang Japan
Mga Laro Ngayon
(Xinchuang gymnasium)
1 p.m. Gilas Pilipinas vs Iran
3 p.m. Wellington Saints vs Japan
5 p.m. Chinese Taipei-B vs South Korea
7 p.m. Spartak Primorye vs Chinese Taipei-A
MATINDING ratsada sa huling bahagi ng ikatlong yugto ang inilunsad ng Gilas Pilipinas para tuluyang maiwanan ang Japan at itala ang ikatlong panalo sa pag-uwi ng 75-60 panalo sa 37th William Jones Cup na ginaganap sa Xinchuang gymnasium kahapon sa Taipei, Taiwan.
Pinangunahan ni Terrence Romeo ang ratsada ng mga Pinoy sa huling dalawang yugto ng laro para tuluyang biguin ang Japanese team.
Inilabas ni Moala Tautuaa ang malakas na laro sa shaded area kung saan gumawa siya ng dalawang malupit na slam dunk sa 20-4 arangkada ng mga Pinoy na kumalas mula sa 44-all na iskor tungo sa pagtayo ng 64-48 kalamangan sa huling 2:28 ng laro.
“It’s the best basketball we played,” sabi ni Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin, na ang koponan ay umangat sa 3-1 karta. “We’re getting better, but we’re not good enough yet to win the FIBA Asia.”
Si Romeo, na isang national team rookie, ay nagtapos na may 16 puntos habang tatlo pang Pinoy cagers ang nag-ambag ng 10 puntos bawat isa na kinabibilangan ni Tautuaa, na umiskor ng apat na sunod na basket sa kanilang ratsada kabilang ang dalawang double-handed slam sa harap ng mga katunggali.
Ang panalo, katuwang ang nakakagulat na 81-66 pagkatalo ng Iran sa USA Select-Overtake ng Estados Unidos, ay naglagay sa Gilas Pilipinas sa kalahating laro sa nangungunang Iranians na may 4-1 kartada.
Ang ala-1 ng hapon nilang laro ngayong hapon ay magsisilbing duwelo nila para sa titulo ng torneo.
Base sa tournament rules, ang koponan na may pinakamagandang record matapos ang single round elimination ang mag-uuwi ng titulo. Kung mananalo ang Iran, malabo na ang tsansa ng Pilipinas na mauwi ang titulo kahit na walisin nito ang natitirang tatlong laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.