Solo lead, ika-10 panalo habol ng San Beda Red Lions

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. San Sebastian vs Mapua
4 p.m. San Beda vs JRU
Team Standings: Letran (9-2); San Beda (9-2); Perpetual Help (8-3); Arellano (7-4); JRU (6-4); Mapua (5-5); San Sebastian (3-8); Lyceum (3-8); St. Benilde (2-9); EAC (2-9)

KAKAPITAN pa ng San Beda ang liderato sa pagharap sa palabang Jose Rizal University sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay mapapanood dakong alas-4 ng hapon at target ng five-time defending champion Red Lions ang ika-10 panalo sa 12 laro para mapalakas ang paghahabol ng upuan sa Final Four.

Pinabagsak ng San Beda ang mga nasa ibabang koponan ng Emilio Aguinaldo College (96-84) at College of St. Benilde (89-63) ngunit hindi dapat magkumpiyansa ang Red Lions dahil balak ng Heavy Bombers na saluhan uli ang pahingang Arellano University sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 7-4 karta.

Sina Bernabe Teodoro at Paolo Pontejos ang  huhugutan ng puntos pero dapat na tumibay ang depensa uli ng Heavy Bombers para pigilan ang malakas na puwersa ng Red Lions sa pamumuno ni Arthur dela Cruz.

Tangka naman ng host Mapua ang basagin ang 5-5 karta sa pagbangga sa San Sebastian College na gustong kunin ang ikaapat na panalo sa 12 laro.

Galing ang Cardinals mula sa impresibong 70-65 tagumpay laban sa University of Perpetual Help at aasa uli ang koponan sa galing ni 6-foot-9  import Allwell Oraeme para dumikit pa sa mga nasa itaas na koponan.

Tiyak naman na magsusumikap ang Stags na makatikim ng pangalawang panalo sa tatlong laro sa yugto upang mapag-ibayo ang kasalukuyang 3-8 baraha.

Ginulat ng Stags ang Letran, 89-87, ngunit natalo sila sa Lyceum, 71-67, sa naunang dalawang asignatura sa second round.

Read more...