Ibang klase talaga ang epidemyang hatid ng AlDub. May kaibigan kaming may restaurant sa bandang Morayta. Kainan ‘yun ng mga estudyanteng nag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad sa palibot ng lugar.
Sabi ni Lito, kaibigan namin, “Dati, pagkatapos kumain ng mga estudyante, e, aalis na sila. Hindi sila nagtatagal sa place namin. Pero ngayon, e, iba na ang nangyayari, punumpuno ang resto namin hanggang sa matapos na ang kalyeserye ng Eat Bulaga.
“Hinihintay talaga nilang matapos ang kalyeserye, tawanan sila nang tawanan, humahanga sila kina Alden Richards at Yaya Dub. Aliw na aliw sila kina Wally Bayola at Jose Manalo.
“Ganu’ng-ganu’n ang ingay kapag nagpapalabas kami ng laban ni Pacman sa restaurant, maiingay ang nandu’n, parang ngayon din kina AlDub na ang kaibahan lang, e, may kasamang kilig ang AlDub ngayon,” kuwento ng aming kaibigan.
Dati raw ay palipat-lipat sila ng pinanonood. Aminado ang aming kaibigan na dati’y sumisilip din sila sa It’s Showtime lalo na kapag grand finals ng kanilang mga pa-contest.
“Pero ngayon, may pa-contest man o ano ang Showtime, wala nang pakialam ang mga customers namin. Basta sa AlDub na lang sila, ayaw nilang ipalipat, sobrang aliw na aliw sila sa kalyeserye ng Eat Bulaga.
“Grabe ang pagkagusto sa kanila ng mga tao, kumakanta-kanta lang naman ang AlDub, ni hindi pa nga sila nagkikita, ganyan na ang tindi ng kasikatan nila!” tawa pa nang tawang kuwento ng kaibigan naming si Lito.