Kulang sa pansin kay tatay

MANANG,
Ako po si Joshua, 18 years old at taga-Marikina City. May problema po ako sa pamlya.

Ito po ang simpleng tanong ko, bakit po kaya ayaw akong pansinin ng papa ko o kahit makipagkwentuahn man lang sa aming magkakapatid? Simula bata po kami never ko po siyang nakitang nakipag-bonding sa amin kapag umuuwi po siya galing sa trabaho.

Si mama lang po ang kinakausap at si mama lang po ang may pasalubong. Bali po, andito ako ngayon sa lola ko nakatira, nakatira sa Taguig ang family ko.

At araw araw naiisip ko na palagi akong nag-iisa at nawawalan ng tiwala sa sarili ko. Maraming beses ko na rin po tinangkang magbigit, parang pakiramdam ko po ay wala akong halaga sa mundo. Sana po ay mapayuhan ninyo ako. God bless.

Joshua, Marikina City

Hello Joshua ng Marikina. Lubha naman akong nalungkot sa kwento mo at ang totoo ay hindi ko rin alam kung bakit ganoon sa inyong magkakapatid ang papa mo.

Nasubukan mo na bang itanong sa nanay mo kung bakit? Naipagtapat mo ba sa iyong ina o malapit na kaibigan ang saloobin mong iyan?

Huwag sanang pagbibigti o pagkitil sa sarili ang maging tugon mo sa hamon ng buhay.

Napakabata mo pa Joshua… Huwag kang sumuko. Gawin mong challenge ang nangyayaring ito at pagibayuhin mo ang pagpapahusay sa iyong sarili.

May iba nga d’yan walang ama’t-ina pero nagsusumikap mabuhay, hindi ba? Huwag mong isipin nag-iisa ka gayong nandyan naman ang iyong ina, ama at mga kapatid.

Siguro naman ay mayroon ka ring mga kaibigan na nagmamahal sa’yo. Joshua, ibahin mo ang focus ng iyong pananaw. Sabi nga, habang may buhay, may pag-asa. God loves you.

Payo ng tropa:

Mahirap ang problema mo Joshua. Pero ang dapat mong ikatuwa ay ang pag-asa na ibinibigay ng Diyos.

Ang sabi nga nila, wala raw na problemang ibinibigay sa atin na hindi natin kayang tugunan.

Kung di ka pinapansin ng papa mo, bakit hindi mo kausapin ang iyong nanay at alamin sa kanya ang dahilan.

Isa ring napakainam na solusyon ay sulatan mo si papa mo. Bigyan mo ng card o sulat kahit walang okasyon. Ibulalas mo ang niloloob mo. At for sure mapapagaan niya ang iyong kalooban.

Denise,
Mandaluyong

Hello Joshua,

Nakakalungkot naman isipin ang sitwasyon nyong mag-ama.

Mahirap sa bata na lumaking walang gabay ng ama sa kanyang anak, sobra ka sigurong naiingit pag may nakikita kang mag-ama na super sweet diba?

Buti nga at nalagpasan mo ang problema na ganyan dapat ay ipag pasalamat natin sa Diyos.

Ang hirap sa bata na may ganyang pinagdadaananang problema.

Kahit anong problema ‘wag na wag kang magapapakamatay, I’m sure marami pa rin nagmamahal at nagbibigay sa iyo ng atensyon gaya ng mga relatives mo diba?

Hindi pa naman huli ang lahat, puwede mo pa rin kausapin ang iyong ama kung bakit ganun ang pakikitungo niya sa inyong magkakapatid.

Baka naman sobrang busy din sa trabaho nung mga panahon na yun.

Pakinggan mo rin ang mga explanation niya baka naman meron siyang dahilan kung bakit nangyari ang mga bagay na ganun.

At pag dumating na ang panahon na magiging ama ka na, dun mo lahat ibuhos ang pagmamahal mo sa iyong mga anak, ang oras mo kahit ikaw ay busy sa trabaho, na hindi mo natikman ng ikaw ay bata pa.

Oki!

Ate Jenny

 

May problema ka ba sa love life, relasyon sa pamilya o kaibigan, pera o kaya ay sa trabaho, tanungin si Manang at ang tropa at baka sila ay makatulong. I-email ang inyong problema sa bandera.manang @gmail.com or jenniferbilog@yahoo.com.ph o i-text ang MANANG, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.

Read more...