Nag-file na ng leave of absence sa ABS-CBN at DZMM ang broadcast journalist na si Anthony Taberna. Ito’y may koneksyon pa rin sa nagaganap na kontrobersiya sa liderato ng Iglesia Ni Cristo.
Isang kilalang miyembro ng INC si Tunying at napapanood sa mga programa ng Kapamilya network na Umagang Kay Ganda at Tapatan Ni Tunying, at sa radio show na “Dos Por Dos” sa DZMM.
Ayon kay Anthony, nagdesisyon siyang lumiban muna sa kanyang mga programa dahil sa “conflict of interest between his role as a news personality and an active member of INC.”
Suportado naman daw ng ABS-CBN management ang kanyang na- ging desisyon na mag-leave muna at bumalik na lang kapag naresolbahan na ang isyu sa pagitan ng INC at ng gobyerno.
Narito ang kabuuan ng naging mensahe ni Tunying na kanyang ipinost sa Instagram: “Mga kapamilya, napakalungkot po na nagpapaalam po muna ako sa programa namin na Dos por Dos at Umagang Kayganda dahil sa mga kaganapan po ngayon.
Ako po bilang aktibong miyembro ng Iglesia ni Cristo ay nasa isang sitwasyon na hindi maaaring maging credible sa pagtalakay sa isyung may kinalaman dito.
“Mayroon po akong paniniwalang pangrelihiyon at mayroon din naman akong tungkulin bilang mamamahayag, bagay na hindi po maaaring pagsamahin ngayon dahil sa tinatawag na conflict of interest.
“Agad pong pinahintulutan ng pangasiwaan ng ABSCBN Integrated News and Current Affairs ang aking leave of absence mula ngayon hanggang sa humupa ang partikular na isyung may kinalaman ang INC.
Maraming salamat po sa inyong pang-unawa sa aking napakahirap na kalagayan sa ngayon. Sa mga hindi naman hindi makakaunawa, nauunawaan ko po Kayo.”
Bago ito, naging headline din si Tunying matapos pagbabarilin ang bago niyang cafe sa Quezon City. Wala pa ring lead ang pulisya kung sino ang nasa likod ng insidente pero naniniwala ang marami na may kunek ito sa pagiging hard-hitting journalist ni Anthony sa kanyang radio show sa DZMM.