TINAPOS na ng Iglesia Ni Cristo ang mahigit tatlong araw na mga kilos-protesta sa Metro Manila at iba’t-ibang lugar sa bansa, ayon sa tagapagsalita nito kahapon ng umaga.
Sinabi ni INC general evangelist Bienvenido Santiago na ititigil na ng INC ang mga protesta na sinimulan noong Huwebes.
“Ito pong ating isinagawang mapayapang pagtitipon na sinimulan natin noong Huwebes ng hapon ay natatapos na po nang mapayapa rin ngayong Lunes ng umaga,” sabi ni Santiago sa isang pahayag.
Idinagdag ni Santiago na nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng gobyerno at ng liderato ng INC kung saan naklaro na ang mga isyu.
“Nais po naming ipabatid sa inyong lahat na nagkausap na po ang panig ng Iglesia at ang panig pamahalaan. At sa pag-uusap na ito ay nagkapaliwanagan na po ang dalawang panig. Kaya payapa na po ang lahat,” dagdag ni Santiago.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni INC spokesperson Edwil Zabala na nasabi na ng INC ang nais nitong iparating sa gobyerno.
“Napatunayan na po namin na nagkakaisa na ang INC,” ayon kay Zabala sa isang panayam.
Sinabi ni Zabala na inatasan na ang libo-libong mga miyembro ng INC, na nagtipon sa EDSA na umalis na sa lugar. Napaso na rin ang permit na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City noong Linggo bagamat pinalawigg ito hanggang Lunes ng umaga.
“Wala na pong maaaring sumira sa pagkakaisa ng INC. Ang lilipatan na lang po nila ay ang kanya-kanya nilang sasakyan,” ayon pa kay Zabala.