Walo katao ang nasawi at walo pa ang nasugatan nang magsalupkan ang isang trak at pampasaherong multicab sa Tacurong City, Sultan Kudarat, kamakalawa (Linggo) ng hapon, ayon sa pulisya.
Idineklarang patay sa ospital ang driver ng multicab na si Reji Yalong at pito niyang pasahero, sabi ni Chief Inspector Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Nakilala ang apat sa mga nasawing pasahero bilang sina PO1 Dennis Sancho, pulis na nakatalaga sa Esperanza; Christian Jay Sancho; Teresita Versoza; at Rosie Aquino. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlo pa.
Naka-confine naman ang mga pasahero ding sina Ricardo Yalong, Ariel Yalong, at isang di pa kilalang babae sa St. Louis Hospital ng Tacurong habang isinusulat ang istoryang ito.
Sugatan din ang truck driver na si Ninio Paderna at mga sakay niyang sina Ramil Guerrero, Michael Diamante, Erwin Diamante, at Ausen Derla.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. EJC Montilla dakong alas-5:20.
Binabagtas noon ng ng Isuzu Forward truck (XDG-700) at Suzuki jitney multicab (AAU-2464) ni Yalong ang magkasalungat na direksyon, ani Gonzales.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na lumipat sa kabilang lane ang multicab kaya sumalpok sa trak, aniya.
Sumuko sa lokal na pulisya ang driver ng trak na si Paderna matapos ang insidente, at sumasailalim ngayon sa karagdagang imbestigasyon, ani Gonzales.