“PARA sa akin, para siyang si Jose Rizal!” Ito ang proud na proud na sabi ng Teleserye King na si Coco Martin patungkol sa King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr.
Bayani o superhero ang tingin n Coco kay FPJ dahil sa mga iniwan nitong magagandang alaala sa ating mga Pinoy hindi lamang bilang isang alagad ng sining kundi bilang isang mapagmahal at matulunging tao.
Sa solo presscon na ibinigay ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment kay Coco para sa pagbibida niya sa TV remake ng classic film ni FPJ na Ang Probinsiyano, sinabi ng award-winning actor na nanghihinayang siya na hindi sila nagkakilala ni Da King.
Pero nagpapasalamat naman siya dahil naging close naman sila ng asawa nitong si Ms. Susan Roces na gumaganap na lola niya sa Ang Probinsiyano.
“Sa akin po kasi, si FPJ, bilang isang manonood, hinahangaan ko siya sa lahat ng mga character na ginampanan niya. Pero ako, bilang isang tao at bilang sa pagkakakilala ko sa kanya, siguro naman po alam nating lahat kung paano siya sa kanyang mga katrabaho, sa kanyang kapwa, kung paano niya tinutulungan ‘yung mga tao.
“Siya po kasi ‘yung klase ng tao na tumutulong siya pero hindi niya po kailangang pang ipagsabi, ipagyabang o i-announce. Sa ganu’ng bahagi po ng pagkatao niya, sobra po akong bumibilib bilang isang tao,” mahabang kuwento ng aktor.
May isang kuwentong hindi nakakalimutan ni Coco tungkol kay FPJ na ibinahagi naman sa kanya ng veteran actress na si Anita Linda, “Actually, may mga kuwento po ako noon, lalo na po kay Tita Anita.
“Kinukuwento niya sa akin noong nagkatrabaho kami sa indie, sabi niyang ganun, ‘Alam mo, dumating yung time na parang hindi ako gaanong gumagawa ng pelikula noon.’
“Tapos, parang inano ni FPJ noon na dahil gusto niyang (Anita) manood ng TV, isang araw, nagulat siya, biglang pinadalhan siya ng TV. Hindi mo kailangang lumapit sa kanya, e.
“May mga tao na nakatrabaho niya na alam niyang may sakit, na kailangan ng tulong. Sabi ni Tita Susan, ang hirap maging asawa ni FPJ… bakit, napakarami mong kahati sa kanya.
Kasi sabi nga, siya open para sa lahat, e. “Ganu’ng tao si FPJ na gagawin niyang lahat sa abot ng kanyang makakaya, kung anuman yung maitutulong niya o maibibigay sa kanyang kapwa o sa kanyang katrabaho, talagang gagawin at gagawin niya.
“Kaya sabi ko nga po, ako bilang isang tao, iyon ang isa sa mga hinangaan ko sa kanya. Hindi lang sa pagiging magaling na artista kundi sa pagiging totoong tao na nagmamahal sa kanyang kapwa,” aniya pa.
Tulad ni FPJ, marami ring natutulungan si Coco, paano kaya niya mahihikayat ang ibang tao, lalo na ang mga kapwa niya artista na tumulong din sa mga nangangailangan? “Kasi ako, honestly po, sinasabi ko nga kung anuman po ang mayroon ako ngayon, sa akin po sobra-sobrang blessing po ‘yung dumating sa buhay ko, sabi ko nga, hindi na ito ‘yung buhay na pinangarap ko, e.
“Gusto ko kasi ‘yung buhay na simple lang na magagampanan ko ‘yung bilang kuya o bilang padre de pamilya sa aking kapamilya.
“Pero sabi ko, sana‘ ’yung mga tao na kagaya ko, na kahit paano sinuwerte sa buhay, ‘yung makapag-share man lang doon sa mga taong nasa paligid niya.
“Una sa pamilya, pangalawa sa paligid niya, sa lipunang ginagalawan niya. Kasi ako, honestly, yung way ng pagtulong ko, hindi ako yung nagbibigay ng materyal na bagay para lang sabihin na nakatulong ako.
“Ang gusto ko kasi, kung maaari, yung mga taong nasa paligid ko, yung mga taong gusto kong tulungan, maging kagaya ko.
“Ang gusto kong ibigay sa kanila, oportunidad, opportunity para mabuhay din nang tama, opportunity para kumita, kumbaga para kumilos.
“Ang pagtulong kasi sa akin, hindi materyal na bagay, e, ‘yung oportunidad. Kagaya ng mga taong tumulong sa akin noong nagsisimula ako. Wala akong natatandaan na may taong tumulong sa akin para bigyan ako ng pera.
Pero may mga taong tumulong sa akin para magturo kung paano tumayo at matuto sa buhay,” tugon ng aktor. Kilala rin si FPJ na isang mapagmahal na asawa kay Ms. Susan, siya ba malapit na ring maging mapagmahal na mister? “Honestly, magti-34 na po ako.
Pero marami pa kasi akong gustong mangyari sa buhay ko, hindi dahil para gusto kong kumita pa nang mas malaki, kundi para gusto ko pa sanang mas maging settled ‘yung family ko. Gusto ko pa sanang mas maging maayos.
“Kasi lagi nilang sinasabi sa akin na parang, ‘Thirty-three ka na, o kailan ka mag-aasawa? Tapos pag medyo binata na ‘yung anak mo, lolo ka na, paano mo siya mae-enjoy?’ Ang katwiran ko naman, mas mae-enjoy ko nga siya kung ngayon nagtatrabaho akong mabuti, nagsusumikap ako, para balang-araw, puwede na akong mag-relax, mas marami na yung oras ko para sa pamilya ko.”
Samantala, gagampanan ni Coco sa Ang Probinsyano ang mga karakter na ginampanan ni FPJ sa movie version na sina Ador at Cardo, ang kambal na pinaghiwalay ng tadhana ngunit pinag-isa ng kanilang pangarap na makapaglingkod sa bayan bilang mga pulis.
Mula sa Dreamscape Entertainment at FPJ Productions, ipakikita ng serye ang tunay na kabayanihan ng mga alagad ng batas. Kasama rin dito sina Albert Martinez, Agot Isidro, Maja Salvador, Arjo Atayde, Bela Padilla, Jaime Fabregas at Susan Roces. Ito’y sa direksyon nina Malu Sevilla at Avel Sunpongco at mapapanood na ngayong Setyembre sa ABS-CBN Primetime Bida.