NAGPAKILALA ang 11-anyos na si Ark Hezekia Cabras ng Leyte Sports Academy (LSA) nang nagwagi siya ng dalawang ginto sa badminton habang ang Bacolod City ang lumabas bilang number one sa paghakot ng medalya sa pagtatapos ng 2015 Batang Pinoy Visayas leg noong Biyernes sa Romblon, Romblon.
Napasama sa Palarong Pambansa noong Mayo ngunit hindi magkamedalya, si Cabras ang lumabas bilang isa mga multi-gold medalists sa palarong inorganisa Philippine Sports Commission (PSC) at may basbas ng Philippine Olympic Committee (POC) nang nanalo siya sa girls’ 12-under singles at doubles.
Matapos ang limang araw na kompetisyon, lumabas ang Bacolod City bilang overall champion bitbit ang 38 ginto, 14 pilak at 12 tansong medalya. Nakaangkla ang kampanya ng Bacolod sa 27 ginto sa karatedo.
Ang Iloilo City ang pumangalawa sa 33-20-15 bago sumunod ang LSA sa 31-15-13. Ang Aklan ang pumang-apat sa 20-10-9 habang ang Iloilo Province ang kumumpleto sa nasa unang limang puwesto sa 12-16-16.
May kabuuang 32 Local Government Units (LGUs) ang nanalo ng medalya para maipakita na palaban ang mga sumali kahit maliit ang bilang ng atleta dahil naapektuhan ang palaro ng bagyong Ineng.
Halos nasa 700 atleta na edad 15-anyos pababang ang sumali pero kahit maliit ang bilang ay hindi naman nabigo ang nagpapalaro sa hangaring bigyan ng pagkakataon ang iba na maipakita ang kanilang angking galing.
Tagumpay na maituturing ang pagkakataong naibigay sa mga Negritos na siyang pinaniniwalaang kauna-unahang nanirahan sa Romblon.
Sumali sila sa ilang sports, kasama ang girls’ futsal, para buksan ang sarili sa pagpasok sa daigdin ng palakasan.
“Ito ang tunay na mensahe na nais na iparating sa pagkakatatag ng Batang Pinoy. Anuman ang kulay mo, lahi, relihiyon, bukas ang BP sa lahat para makatulong na mapag-isa ang lahat ng mga Filipino,” wika ni Batang Pinoy Program head Atty. Jay Alano.
Apat ang gintong kinuha ng LSA sa badminton sa pangunguna ni Cabras na unang nakipagsanib-puwersa kay Ma. Theresa Angelica Valenzona para talunin sina Julianna Louisse Gonzaga at Aleah Sumael ng Sipalay City sa girls’ doubles.
Tinapos ng tubong Baybay City ang kampanya sa pagsungkit ng singles title laban sa kaba-bayang si Valenzona.
Ang tambalang Eloisa Rose Esperanza/Mellanne Sacro at Michael Martin Angelo Valenzona/Roy Vitualla Jr. ang nagdomina sa girls’ at boys’ doubles para sa huling dalawang ginto ng LSA.
Pinigil nina Katrina Licel Togado at Cody Torres ng Bacolod City ang hangaring kunin pa ng LSA ang kampeonato sa girls’ at boys’ 15-under singles nang manaig sila sa mga Leytenos.
Ang multi-titled na si Togado ay nangibabaw kay Mellanne Sacro habang si Torres, double bronze medal winner sa 2014 Batan Pinoy National Finals, ay nagwagi kay Roy Vitualla Jr.
Lumabas bilang pinakamahusay sa lawn tennis ang La Carlota City nang walisin ng kanilang girls team ang tatlong gintong pinaglabanan para tulungan ang delegasyon na manalo ng apat sa anim na events na pinaglabanan.
Si Valerie Jan Desoyo ang kampeon sa singles at nakipagtulungan kay Shyryn Gybryl Salazar para sa doubles gold habang sina Tracy Cheldette Llamas at Kiana Louise De Asis ang nagdomina sa doubles.
Kampeon sa boys’ singles si Karl Christian Baran para biguin ang pakay ng Aklan na walisin ang tatlong ginto sa kalalakihan matapos pagharian ang doubles at team events.