Protesta sa laro kontra JRU Heavy Bombers inatras ng Arellano University Chiefs

IPINAKITA ng Arellano University ang kanilang pagiging sport nang iatras na ang naunang protesta na idinulog sa NCAA matapos ang 114-112 double overtime pagkatalo sa Jose Rizal University noong Huwebes sa The Arena sa San Juan City.

Marami ang naniniwalang matibay ang laban para maulit ang nasabing laro dahil game officials ang nagkamali dahilan upang mailusot ng Heavy Bombers ang pahirapang panalo pero minabuti ng pangulo ng Arellano na si Francisco Cayco na huwag nang ituloy ang protesta.

“I was ordered by my president not to put the game under protest in the spirit of sportsmanship and in the interest of the NCAA,” wika ng kanilang Mancon representative na si Peter Cayco.

Hindi agad na itinama ng mga game officials ang naunang itinawag na 3-pointer ni Bernabe Teodoro na nagbigay sa Heavy Bombers ng apat na puntos kalamangan, 113-109.

Pumukol ng triple si Jiovani Jalalon bago ibinigay ang ikalima at huling foul kay Gio Lasquety sa sumunod na play para sa dalawang free throws.

Dito nakita ng mga referees na nakatapak sa 3-point line si Teodoro at tsaka itinama ito para magtabla ang magkabilang koponan sa 112-all.

Kung naayos agad ang pagkakamali ay hindi na kinailangan ni Jalalon na magbigay ng foul para sa posibilidad na umabot ang laro sa triple overtime.

Wala rin namang kinalaman ang JRU sa nangyari kaya’t madaling tinanggap ng Arellano ang pagbawi sa protesta.

Read more...