INC panibagong krisis kay PNoy

INAABANGAN ng buong bansa ngayon kung ano ang kahihinatnat ng mga rally na isinasagawa ngayon ng religious group na Iglesia Ni Cristo (INC).

Nag-umpisa lamang ito sa indignation rally sa Padre Faura sa tapat ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ) noong Huwebes para naman iprotesta ang umano’y pagiging bias ni Secretary Leila De Lima matapos namang may magsampa ng reklamo ng laban sa mga lider ng INC.

Pinanawagan pa ng mga nagpoprotesta ang pagbibitiw ni De Lima. Hinarangan pa ng mga nagpoprotesta ang sasakyan ni De Lima habang papalabas sa compound ng DOJ.

Ngayon nga ay nasa EDSA na ang mga miyembro ng INC.

Malaking hamon muli ito sa administrasyon ni Pangulong Aquino kung ano ba ang dapat manaig sa ginagawang pagkilos ng INC.

Kilala kasi ang INC na malaki ang role sa tuwing halalan at dito nga makikita kung ano ang papairalin ng gobyerno sa ginagawang protesta ng grupo.

Sana man lang ay maging mapayapa ang rally lalu na’t kung tutuusin spiritual growth ang itinuturo ng bawat relihiyon sa bansa.

Sa bawat mga kilos-protesta, ang laging iginigiit ng pamahalaan ay ang batas dapat manaig at ito ang hangad ng nakakarami, ipatupad ang batas ng walang pagkiling at walang sinasanto.

Nagsalita na si Interior Secretary Mar Roxas na ayon sa kanya ipapatupad ng mga otoridad ang maximum tolerance, bagamat tungkulin ng PNP na pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng publiko.

Ang inaabangan din dito ay kung magpapapressure si PNoy sa panawagan ng mga nagpoprotesta na mag-resign na si De Lima.

Bagamat inaasahan namang bababa sa puwesto si De Lima sakaling opisyal nang maghain ng kanyang kandidatura para sa pagkasenador, magiging dahilan kaya ito para mapaaga ang kanyang pag-alis para lamang mapagbigyan ang INC?

Nauna nang iginiit ni De Lima na wala namang bias sa ginagawa ng DOJ dahil umaaksyon lamang ito sa isang reklamo laban sa mga lider ng religious group.

Marami na ring pulitiko ang sumakay sa isyu pero hindi ba ang bottomline dito ay kung ano ba ang dapat manaig sa bansa, ang mga batas na ipinapatupad o ang pressure mula sa isang maimpluwensiyang religious organization?

Palaisipan pa rin ngayon sa nakakarami kung may direktang utos mula sa liderato ng INC ang ginagawang pagkilos ng mga miyembro nito.

Alam ng lahat na masunurin ang mga miyembro ng INC kapag may inaatas sa kanila.

Ilang buwan na lamang ang binibilang ni PNoy bago matapos ang kanyang termino, maisasama kaya sa kasaysayan niya ang isyu hinggil sa ginagawang rally ng INC?

Kailangan kayang magpatawag ni PNoy ng pagpupulong para talakayin ang isyu?

Sa huli, nirerespeto ng bawat isa kung anong relihiyon ang nais nating kaaniban.

Ang importante, nagagabayan ang bawat isa sa kabutihan at tama.

Read more...