DALAWANG araw na ang perwisyo na idinudulot ng protestang isinasagawa ng Iglesia Ni Cristo. At hanggang ngayon ay wala pa ring katiyakan kung hanggang kailan ito tatagal o may balak ba talagang paralisahin ng maimluwensiyang grupo ang mga lansangan ng Metro Manila hanggang hindi nila nakukuha ang kanilang nais.
At ano nga ba talaga ang nais ng grupong ito?
Malinaw ang kanilang sigaw, sibakin si Justice Secretary Leila de Lima dahil mas inuuna raw nitong pakialaman ang isyu o problema ng INC kaysa bigyang prayoridad ang higit na malalaking isyu ng lipunan gaya na lamang ng SAF44 na hanggang ngayon ang kaso ay hindi pa rin umuusad.
Nasaan na ang magigiting nating mga politiko?
Kung hindi man tahimik, tila ingat na ingat ang pagbibigay ng pahayag o aksyon ng mga politikong nagpaplanong tumakbo sa 2016 elections. Ni ayaw nilang makanti kahit kaunti ang grupo na kilala na solido kung bumoto sa tuwing darating ang halalan.
Meron ngang isa na mas mabilis pa sa alas-kwatro ang kumampi agad sa ginawa ng Iglesia. Sinundan din ito ng isa ring naghahangad na mapuwesto sa Malacanang. At ang isa na nasa panig ng gobyerno ay naglabas na rin ng kalatas na sumisiguro na maximum tolerance daw ang ipaiiral sa mga raliyista.
Wala ni isa man sa kanila ang maglakas-loob na sumita sa grupo dahil sa epektong idinudulot nito sa higit na nakararaming Pilipino. Ito ba ay dahil sa takot na mawalan sila ng boto? O dahil naniniwala sila na tunay at karapatan lamang ng Iglesia ang ginagawa nilang pagprotesta para maiparating sa pamahalaan ang kanilang pagkadismaya?
Hindi naman tayo tutol sa ginagawang protesta ng grupong ito. Sa katunayan, isa tayo sa nagsusulong para sa isang malayang pagtitipon at malayang pagsasalita o pagpapahayag ng damdamin sa publiko. Isa tayo sa ayaw na masasagkaan ang ganitong uri ng karapatan.
Ang tanging hinihintay lang natin ay kung meron sa mga nagbabalak tumakbo ang maglalakas ng loob na mangatwiran sa grupo na ang ginagawa ng DOJ, partikular na ni De Lima ay naayon lamang sa batas.
Meron din kayang maglalakas ng loob na pumanig sa mamamayan na napeperwisyo dahil sa matinding trapiko na dulot ng protestang ito?
Meron nga kaya? O mananahimik na lang para lang makakuha ng endorsement ng makapangyarihang Iglesia ni Cristo?