Iligpit mo na sila, Rody

KARANIWAN ay mas nakikita ang pagkakamali ng iba kesa sariling kasalanan. Ang taong mapagmataas ay mapagmalinis, kadalasan ay bulag sa katotohanan. Hindi niya makita at matanggap ang sariling pagkukulang at kahinaan. Patuloy din na ikinukubli at ipinagtatanggol ang sarili sa pamamagitan ng pagtutuon ng sisi sa iba. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo sa ika-21 linggo sa karaniwang panahon, 1 Tes 2:1-8; Slm 139:1-3, 4-6; Mt 23:23-26.

Bakit parating nagkakamali si Pangulong Aquino, ang butihing anak nina Ninoy at Cory? Matigas kasi ang ulo niya, ani Butz Aquino. Si Butz ang unang nakapuna ng katigasan ng ulo ng pamangkin. Huli na nang mapagtanto ito ni Sen. Serge Osmena. Ang huling patunay ay nang humagupit si Ineng sa norte. Habang inaanod ng rumaragasang baha ang mga bahay, kalye at tulay, si Aquino ay nasa Cebu at isinusubo sa mga botante ang kanyang inendorsong asawa ni Korina Sanchez.

Sa eksenang ibinababa ang mga bangkay ng SAF 44 sa Villamor Air Base, wala roon si Aquino para magpugay sa patay na mga bayani kundi’y nakikipagsosyalan sa pagpapasinaya sa planta ng Mitsubishi sa Santa Rosa, Laguna. Tulad ng nakagawian, isinisi sa ilang opisyal ng SAF ang trahedya. Ang mga kapalpakan at kamanhiran ay bagahe sa balikat ng asawa ni Korina Sanchez at wala na akong maisip kung paano siya mananalo. Kung meron kayong naisip, i-text sa numero sa ibaba (Mula sa bayan).

Nasa Davao City ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na susuporta kay Rody Duterte. Hinahamon ko si Duterte, iligpit mo na ang mga smuggler sa Kostong at ihulog ang kanilang mga bangkay sa South Harbor nang magkaroon ng isda. Noong 1961, umaangkas ako sa lantsa ng Bureau of Quarantine, na lumalapit sa mga barko sa Manila Bay, para lamang ako mamingwit. Maraming isda noon, at matataba. Wala na ngayon.

Hinahamon ko si Duterte. Iligpit mo na ang mga smuggler sa Kostong. Sobra na sila, iligpit na at palitan na. Sa huling taon ni Gloria Arroyo, ang smuggling ay $7.9 bilyon. Sa buong panunungkulan ni BS Aquino, umabot ito ng $94.4 bilyon, ayon sa tala ng International Monetary Fund. Samantalahin mo ang pagkakataon dahil sinisiraan na ng US si Aquino. Kapag napatino mo ang Kostong, ikaw, at hindi ang asawa ni Korina, ang susuportahan ng US.

Kapag iniligpit mo ang mga smuggler sa Kostong, susuportahan ka ng malalaking negosyante at ng kabilang sa B at C. Ngayon DE lang ang sumusuporta sa iyo, ang mahihirap na sawang-sawa na sa kriminal na mga pulis (isa riyan ay ang napatay sa kanto ng Quezon at Roces, QC sa linggong ito) at mga pusakal na pakawala ng mga pulis, tulad ng droga sa Barangay Bagong Silang, Caloocan.

Naalala ko na. Humarap sa Bandera editors sa tanggapan sa kalye Yague, Makati si Lito David, ang nagsampa ng kasong quo warranto kay Grace Poe Llamanzares, kasama ang mga kandidato ng partido Kapatiran nang sila’y tumakbo, suntok sa buwan, sa pagka-pangulo at senador. Napakalakas ng loob nila dahil wala namang nakakikilala sa kanila. Pero, mas busilak pa kay BS Aquino, ang nanalo, ang kanilang mga hangarin at pangarap sa mahihirap.

Sumailalim sa matin- ding pagtatanong sina Lito at Kapatiran, kabilang na ang kanilang kandidato pagka-pangulo na si JC, at lahat ay nasagot naman, kaya lang ay wala silang pera’t makinarya. Naawa pa nga ako kay JC, na ang negosyo ay tisa (walang yumayan sa ganitong kalakal) dahil ang kanyang sasakyan ay Nissan na ga- ling Subic, na ang ibig sabihin ay segunda mano at right-hand drive, dahil hindi niya kayang bumili ng brand new Nissan, na noon pa man ay P1.4 milyon na ang halaga.

MULA sa bayan (0916-5401958) : Kaming Moro ay boboto kay Duterte. Ako’y tinulungan ni Duterte noong ako’y nangangailangan. Ambolodto …8866

Read more...