TUTULONG si Pampanga Rep. Joseller “Yeng” Guiao para maisalba pa ang tila mauudlot na pagpapatayo ng makabagong national training center sa Clark, Pampanga.
“Kailangang mag-usap uli,” wika ni Guiao na coach din ng Rain or Shine sa PBA. “Tingin ko ay kaya pa i-save ang project natin. We will meet with both parties ASAP.”
Posibleng hindi matuloy ang planong pagpapatayo ng national training center matapos ihayag ng Clark International Airport Corporation (CIAC) board na sisingilin nila ang Philippine Sports Commission (PSC) ng P150,000 kada ektarya sa 50-hectare na lupain na para sana sa training center.
Lalabas na P7.5 milyon ang ibabayad ng PSC kada taon sa CIAC.
Hindi sang-ayon si Guiao sa halaga ng sinisingil ng CIAC dahil katulad ng PSC ay government agency din sila.
“Parehong government ang nag-uusap. Masusulit din kung factor natin ay development na dala ng project sa area,” ani pa ni Guiao na nakasama si Davao del Norte Rep. Anthony Del Rosario na nagsagawa ng ocular inspection sa inaasintang lugar kasama ang mga opisyales ng CIAC, PSC at Philippine Olympic Committee (POC) noong Marso.
Bukas si POC president Jose Cojuangco Jr. na mag-usap uli ang lahat pero dapat ay magkaroon na ito ng positibong resulta lalo pa’t matagal na silang nagpupulong para rito.
“Kung hindi ay hihintayin na lamang natin ang papasok na administrasyon,” sabi ni Cojuangco.