GMA nagsampa ng reklamo sa NTC laban sa Skycable

WALLY BAYOLA AT MAINE MENDOZA

WALLY BAYOLA AT MAINE MENDOZA

INIREKLAMO ng GMA 7 sa National Telecommunications Commission ang SkyCable pagkatapos magpahayag sa social media ng pagkadismaya ang ilang manonood dahil sa kawalan ng signal ng Kapuso Network bago ang Eat Bulaga o/at tuwing eere ang top-rating “AlDub” Kalyeserye segment ng programa.

Sa isang liham na ipinadala ng GMA noong Aug. 25, 2015 sa pamamagitan ng kanilang Senior Vice President for Engineering Engr. Elvis B. Ancheta at Vice-President for Legal Affairs Lynn P. Delfin, hiniling ng GMA ang mabilis na pag-aksyon ng NTC para sa kapakanan ng mga paying subscribers ng SkyCable dahil umano sa iresponsableng serbisyo ng huli.

Ayon sa GMA, ang nasabing reklamo ay labag sa Section 6 ng NTC MC No. 4-08-88 o ang Revised Rules and Regulations Governing Cable Television Systems in the Philippines tungkol sa “carriage of TV broadcast signals” ng mga cable companies.

Kaugnay ng reklamo ng Siyete, isinumite nito ang iba’t ibang tweets na nakalap noong July 19 hanggang Aug. 21, 2015 mula sa ilang tagasubaybay ng GMA sa Metro Manila, Cavite, Bacolod, at Iloilo tungkol sa tila pag-sabotahe ng SkyCable gayon din sa kanilang pagkadismaya dahil hindi nila napanood ang kanilang paboritong segment sa longest-running noon-time show sa bansa.

“OMG! Walang signal ang GMA sa sky cable dito sa Bacolod pero ang iba meron. Nakakabadtrip! Eat Bulaga na mamaya #AlDubHihintayinKita,” tweet ni @wyne_me noong Aug. 13, 2015.

Ganito rin ang sentimyento ni @floresjenny1214 sa tweet niya noong August 20, 2015, “Sky cable naman eh kapag eat bulaga na lagi malabo o mawawala wag ganun #ALDUBKeepTheFaith.”

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang pagtutok ng sambayanang Pilipino sa kalyeserye segment ng Eat Bulaga na binubuo ng accidental loveteam nina Maine Mendoza o mas kilala bilang Yaya Dub at Kapuso actor Alden Richards, kasama sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.

Kahapon, muling hinamon ni Lola Nidora (Wally) si Alden na patunayan ang kanyang pagmamahal kay Yaya Dub sa pamamagitan ng pagbalik sa Bicol para dalhan siya ng laing at pinangat. At promise ni Lola Nidora, kapag nagawa ni Alden ang kanyang challenge, ang binata raw mismo ang magdadala ng dala niyang pasalubong sa kinaroroonan nila ni Yaya Dub bukas, Aug. 29.

Kaya ang tanong ng mga dabarkads, ito na kaya ang “tamang panahon” para magkita nang personal sina Alden at Yaya Dub? Samantala, noong nakaraang Sabado (Aug. 22), nakapagtala ang Eat Bulaga ng household rating na 31.3 percent sa NUTAM (National Urban Television Audience Measurement) kumpara sa 13.7 percent ng katapat nitong programa, ayon sa Nielsen TV Audience Measurement.

Tinatayang mahigit 2 million tweets naman ang na-generate ng episode tampok ang kasal nina Yaya Dub at Frankie Arenoli (Jose Manalo).
Umani rin ito ng papuri partikular na mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa pagtagu- yod ng Catholic values.

Read more...