INIREKLAMO ng GMA 7 sa National Telecommunications Commission ang SkyCable pagkatapos magpahayag sa social media ng pagkadismaya ang ilang manonood dahil sa kawalan ng signal ng Kapuso Network bago ang Eat Bulaga o/at tuwing eere ang top-rating “AlDub” kalyeserye segment ng noontime show.
Sa isang liham na ipinadala ng GMA noong Aug. 25, 2015 sa pamamagitan ng kanilang Senior Vice President for Engineering Engr. Elvis B. Ancheta at Vice-President for Legal Affairs Lynn P. Delfin, hiniling ng GMA ang mabilis na pag-aksyon ng NTC para sa kapakanan ng mga paying subscribers ng SkyCable dahil umano sa iresponsableng serbisyo ng huli.
Ayon sa GMA, ang nasabing reklamo ay labag sa Section 6 ng NTC MC No. 4-08-88 o ang Revised Rules and Regulations Governing Cable Television Systems in the Philippines tungkol sa “carriage of television broadcast signals” ng mga cable companies.
Kaugnay ng reklamo ng Siyete, isinumite nito ang iba’t ibang tweets na nakalap noong July 19 hanggang Aug. 21, 2015 mula sa ilang tagasubaybay ng GMA sa Metro Manila, Cavite, Bacolod, at Iloilo tungkol sa tila pag-sabotahe ng SkyCable gayon din sa kanilang pagkadismaya dahil hindi nila napanood ang kanilang paboritong segment sa longest-running noon-time show sa bansa.
“OMG! Walang signal ang GMA sa sky cable dito sa Bacolod pero ang iba meron. Nakakabadtrip! Eat Bulaga na mamaya #AlDubHihintayinKita,” tweet ni @wyne_me noong Aug. 13, 2015.
Ganito rin ang sentimyento ni @floresjenny1214 sa tweet niya noong August 20, 2015, “Sky cable naman eh kapag eat bulaga na lagi malabo o mawawala wag ganun #ALDUBKeepTheFaith.”