Militiaman pinatay dahil sa yosi

Unknown
PATAY ang isang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa Bucay, Abra, kamakalawa (Miyerkules) ng gabi nang barilin ng kapwa militiaman dahil umano sa away sa sigarilyo, ayon sa pulisya.

Ikinasawi ni Lito Astrande ang tama ng balang mula sa M14 rifle ng kapwa miltiaman na si Richie Maison Bagni, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.

Naganap ang insidente dakong alas-9 sa kampo ng 3rd Platoon, 15th ABCAA Company, sa Brgy. Bugbog, kung saan nakabase ang dalawa.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-away sina Astrande at Bagni matapos mahulog ang abo sigarilyong hinihithit ng huli sa binti ng una.

Dahil doo’y sinampal nang dalawang beses ni Astrande si Bagni, kaya kinuha ng huli ang kanyang riple at pinaputukan sa kanang bahagi ng dibdib ang una, ayon sa ulat.

Isinugod pa si Astrande sa Abra Provincial Hospital ngunit idineklarang patay ng mga doktor.

Isinuko naman ng kanilang company commander si Bagni at ang baril nito sa Bucay Police Station.

Read more...