Pangalan na ibinigay sa ampon binabawi

MALAKING problema ang idinulog sa atin ng isang reader ng Ibandera ang Batas.

Problema ni Erca ngayon ang kanyang kapatid na ipinaampon ng kanyang ina sa kanilang kamag-anak.

At ngayon ay binabawi ng mga nag-ampon ang pangalan na ibinigay nila sa kanyang kapatid.

Heto ang text message ni Erca:

“Good morning, attorney.

Nung ipinanganak po ang ka-patid ko ay kinuha na po ng tita at tito ko kasi nagkasundo po sila ng mama at papa na ampunin po nila kasi wala po silang anak.

Kaya lang po, umuwi na sa amin ngayon ang kapatid ko kasi nakita ni mama na sinasaktan nila ang kapatid ko.

Thirteen years old na siya nang bumalik siya sa mama ko. Pero 18 na po siya ngayon.

Ang problema pinagbabawalan po siya na dumaan sa harap ng bahay nila tita at sinabihan na papalitan na niya ang kanyang apelyido.

Nasasaktan po ang kapatid ko. Ano po bang paraan para mapalitan ang apelyido niya?

Dapat bang gawin ng tita ko yun? Sila po ba ang dapat gumasyos nun?

Kasi di naman legal yung pag-ampon sa kanya.

Pero pinangalan ng tita ko sa apelyido nila.  Salamat po.”

Ang ‘birth certificate’ po ng inyong kapatid ay tinatawag na “simulated birth”.  Ito po ay isang krimen sa Revised Penal Code at mahigpit na ipinagbabawal.

Ang tamang paraan po ng Adoption, ay ang pagsampa po ng Petition for Adoption sa Regional Trial Court sa Laoag City.

Ang aming suggestion ay mag-file po ang inyong kapatid ng “Petition for Cancellation of Simulated Birth Certificate” sa Regional Trial Court sa lugar po kung saan nakarehistro ang kanyang birth certicate (kunwari po ay sya ang napanganak sa Laoag, sa Laoag City po ang venue).

Kapag  naglabas ng kautusan ang Regional Trial Court judge  na nagkakansela ng simulated birth certificate, kailangang iparehistro ang order sa Municipal Civil Registry at National Statistics Office para tuluyang itong makansela.

At pag nangyari na yan, ang kapatid ninyo ay maaaring mag-file ng  “Application for Late Registration” sa Municipal Civil Registry kung saan po sya ipinanganak, para magkaroon siya ng tunay na birth certificate.

Sa panibagong birth certicate nya, maari na niyang ilagay ang tunay na pangalan ng inyong ama at ina, at magamit na niya ang kanilang apelyido.

Huwag nang iasa pa gastos sa tita at tito mo dahil maaring tanggihan nila ito dahil masama na nga ang loob nila sa kapatid mo.

Maraming salamat po sa lahat ng nagpapadala ng text message, asahan po ninyo na isa-isa nating sasagutin ang mga iyan. Basa lang tayo ng Bandera at palaging Ibandera ang Batas!

Editor:  May problemang legal ba kayo, komentaryo , reaksyon? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...