Kris VP ni Mar, bongga!

MALAKING problema ang kinakaharap ng Liberal Party dahil hanggang ngayon ang standard bearer nitong si Interior Secretary Mar Roxas ay wala pa ring nakukuhang running mate para sa darating na 2016 presidential elections.

Gaya ni Roxas, problema rin ito ni Vice President Jejomar Binay. Hanggang ngayon ay wala pa rin yatang gustong tumakbo bilang ka-tandem ni Binay.

Hindi matatawaran ang political machinery at organisasyon ng LP, pero nakapagtataka kung bakit walang gustong tumambal kay Roxas.

Nariyan si Batangas Go- vernor Vilma Santos na unang lumutang na maaaring tumakbo bilang vice president ni Roxas.

Mariin ang pagtanggi ng sikat na artista. Maging ang mister nitong senador ay ayaw rin siyang patakbuhin bilang bise presidente ni Roxas.

Ayon kay ate Vi, kung tatakbo man siya sa mas mataas na posisyon ay iyon ay bilang isang kinatawan ng Batangas sa Kamara.

Sumunod namang lumutang ay ang pangalan ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na hindi rin ganon ka-solved na tumakbo bilang kapareha ni Roxas, bukod sa mariin din ang pagtutol ng kanyang mga anak dito.

Sa kabilang banda, tila hindi rin “trip” ni Roxas si Robredo na makatandem dahil sa mga pahayag nito na hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na makukuha niya si Senador Grace Poe bilang kanyang running mate.

Pero mukhang sarado na ang pinto ni Poe kay Roxas.

Hindi man direktang tinanggihan si Roxas ni Poe, malinaw na hindi na ito tatakbo bilang bise presidente at malamang na tumakbo bilang pangulo sa ilalim ng partidong Nationalist People’s Coalition.

Pero ang maganda sa mga pangyayari ay ang paglutang ng pangalan ni Kris Aquino.

Yes! si Kris, ang presidential sister na tinagurian ding “Queen of All Media”, na umano’y maaring tumakbo bilang running mate ni Roxas.

Ito ang bongga!

Kung sakaling tumakbong vice president si Kris tiyak na magbabago ang political landscape ng bansa.
Hindi ito biro dahil kahit sinasabi ng iba na siya ay “patola” (o mapagpatol), laitera, maarte at kahit marami ang nagagalit sa kanya, hindi maitatanggi na malakas ang hatak ni Kris.

At iba pa rin talaga ang artista lalo na sa katauhan ng isang Kris Aquino.

Tiyak na walang magiging problema si Roxas sa media sa sandaling mapapayag nga itong tumakbo bilang kanyang vice president.

Front page material kaagad kapag nagsalita si Kris at tiyak ding marami itong pasasabuging exposé o intriga man sa panahon ng kampanya.

Ang mababang rating ni Roxas sa survey ay tiyak na
aangat sakaling si Kris ang kanyang makapareha.

Dudumugin din ang kanilang political sortie kapag si Kris ang katandem ni Roxas dahil tiyak na laksa-laksang artista ang bibitbitin nito. Tiyak na mabubusog ang mata ng mga botante dahil kasama sa sortie ang gaya ni Piolo Pascual, ang magkaparehang sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Liza Soberano at Enrique Gil, at marami pang iba.

Sandaling makumbinsi ni Roxas si Kris, magiging isa siyang malaking tinik sa lalamunan ng ibang vice presidential bets.

Hindi man nila matapatan ang kasikatan nito, tanging credential at malinis na pangalan ang maaring ipanlaban sa isang gaya ni Kris.

Read more...