47 nalason sa birthday party sa Iloilo


NAOSPITAL ang 47 katao matapos dumalo sa birthday party sa Sta. Barbara, Iloilo.
Kinumpirma ni municipal health officer Dr. Gemma Monserate na isinugod sa ospital ang 47 katao noong Lunes matapos kumain sa birthday party sa bahay ng pamilya Lagunda sa Brgy. San Sebastian sa Sta. Barbara.
Ayon kay Monserate, nakaranas ang mga biktima ng pananakit ng tiyan, lagnat, pagsusuka at pagtatae ganap na alas-11:30 ng umaga noong Lunes, dalawang oras matapos silang kumain ng spaghetti, salad, pancit, valenciana, chicken drum stick at stew.
Nananatili pa ring nasa ospital ang 45 biktima sa Western Visayas Sanitarium Hospital sa Sta. Barabara kung saan sila patuloy na inoobserbahan. Nakalabas na sa ospital ang dalawang iba pa.

Sinabi naman ni Eleseo Lagunday, tatay ng hindi pinangalanang birthday celebrant, na lahat ng mga nalason ay kumain ng valenciana at pancit.

Ayon kay Lagunday, hindi naman apektado ang mga hindi nakakain ng valenciana at pancit.
Aniya, ang pamilya ang nagluto ng mga handa, maliman lamang sa chicken drumstick.

Ito na ang ika-apat na kaso ng pagkalason sa pagkain sa Iloilo sa nakalipas na dalawang buwan.

Read more...